‘Pag ‘di makadiskarte sa basket, naghahanap ng paraan si Terrence Jones para makatulong sa team.

Matalas ang mata para maghanap ng mapapasahan, dinadamba ang boards.

Ang mga teammate niya sa TNT, abang-abang lang sa labas. At ‘di sinasayang nina Jayson Castro, RR Pogoy at Brian Heruela ang feeds ng import.

Kaya si Jones, nakaka-triple-double pa rin kahit pigil sa puntos.

Sa 88-71 win ng KaTropa kontra Ginebra nitong Linggo, nagsumite si Jones ng 15 points, 19 rebounds at 10 assists para ihatid ang team sa 2-0 lead sa PBA Commissioner’s Cup semifinals.

“’Di masyadong ano (umiskor) pero nakuha pa rin namin ‘yung numbers niya,” ani coach Bong Ravena kay Jones na 6 of 20 lang mula sa field. “Scoring-wise, ‘di naman siya talagang nagdo-dominate pero mga iba kasi nakikinabang sa kanya, eh. So siguro mas madali para sa amin kung ganu’n siya.”

Nakinabang sina Castro (20 points), Pogoy (18), Troy Rosario (16) at Heruela (11).

Isang panalo pa, uusad sa finals ang TNT sa unang pagkakataon makalipas ang dalawang seasons.

Nilista ni Jones ang pang-apat niyang triple-double sa midseason conference, pinakamarami sapul nang magsumite ng apat din si Galen Young sa Alaska noong 2004 Fiesta.

Pinantayan din ni Jones ang all-time franchise record ng TNT para sa most triple-doubles na ni-record ni Silas Mills sa Mobiline noong 1998 Governors Cup, ayon kay PBA chief statistician Fidel Mangonon III. (Vladi Eduarte)