Jordan galante – Nash, Brown

Hindi itinago ni Steve Nash na noong bagong salta siya sa NBA ay na-star struck din kay Michael Jordan.

Si Jordan ang hari ng hard court noong mga panahong ‘yun.

Sa pakikipag-usap kay Ernie Johnson ng TNT, sinariwa ni Hall of Famer at two-time MVP Nash ang unang enkuwentro niya kay Jordan at kung paano niya inarbor ang bantog na sneakers ng GOAT.

Rookie year ni Nash ng 1996, gabi ng Nov. 11 ay nakaupo na siya sa Phoenix Suns bus pagkatapos ng laro kontra Chicago nang pumanik ang teammate na si Chucky Brown na may bitbit.

“Are those MJ’s shoes?” tanong ni Nash.

Kinumpirma ni Brown na sapatos nga ‘yun ni His Airness. Nagtaka si Nash paano napunta kay Brown, sinabi ng teammate na hiningi lang niya.

“You can do that?” nag-iisip na sabi ni Nash.

Nakaka-11 araw pa lang si Nash sa kanyang rookie year, samantalang si Jordan ay may apat na MVPs at three-peat na.

Makalipas ang dalawang linggo, Bulls naman ang dumayo sa Phoenix.

Sa isang play, nag-switch si Nash sa depensa kay Jordan at natikman niya kung paano ang galaw ng idol. Inatrasan daw siya ni Jordan sa post, nag-shake bago bumitaw ng fadeaway.

Nagkaroon ng foul sa kabila sa sumunod na posesyon, may titira ng free throws. Nasa likod ng shooter si Nash nang lumapit si Jordan.

“You were at a slight disadvantage,” nakatawa raw na sabi sa kanya ni Jordan, nang-aalaska.

Nagulat ang 22-anyos na rookie, pero naisip niya na pagkakataon na ‘yun at hindi niya palalagpasin.

“Can I have your shoes after the game?”

Taas-noo nang lumabas ng arena pagkatapos si Nash, bitbit ang sneakers ni MJ. (VE)