Jordan hugas-kamay sa isyu vs Thomas

Sa Episodes 5 at 6 ng ‘The Last Dance’ muling naungkat ang karibalan nina Michael Jordan at Isiah Thomas sa National Basketball Association.

Bago nasikwat ni Jordan at ng Chicago Bulls ang unang piyesa ng first three-peat, tatlong sunod na season din silang sinipa ng Detroit Pistons.

Kasama si Thomas sa Bad Boys ng Pistons na laging kontra-pelo ni Jordan sa playoffs. Inimbento pa nga ng Pistons ang ‘Jordan Rules’ – lahat gagawin para hindi umiskor si MJ.

Inamin ni Jordan sa The Last Dance ng ESPN at Netflix na inis siya kay Thomas, pero respetado niya ang kakayahan nito.

“To me, the best point guard of all time is Magic Johnson and right behind him is Isiah Thomas,” wika ni MJ. “No matter how much I hate him, I respect his game.”

Nilinaw rin ni Jordan na wala siyang kinalaman sa matagal nang isyu na isa siya sa mga nangampanya para hindi mapasama si Thomas sa Dream Team noong 1992 Barcelona Olympics.

“It was insinuated that I was asking about him (being left off) but I never threw his name in there,” giit niya.

Itinuwid din ni basketball analyst Mike Wilbon ang ulat niya noon na siyam na miyembro ng 1992 Team USA kabilang sina Magic Johnson, Larry Bird at Scottie Pippen ang kumontra sa pagkakasama ni Thomas sa koponan.

“My apologies to Isiah Thomas… multiple sources reached out to tell me I’m dead wrong to say 9 members of the Dream Team objected to Isiah being on the ’92 Olympic team. Nowhere near that number objected. My apologies to Isiah for getting it wrong,” tweet ni Wilbon.

Simpleng-simple ang sagot ni Thomas.

“Thank You.” (Vladi Eduarte)