Sa huling bahagi ng dekada 80, naging suki ng Detroit Pistons si Michael Jordan at ang Chicago Bulls sa playoffs.

Mula 1987-1990, ginawang palabigasan ng Pistons ang Bulls para pumalaot sa NBA Finals.

Certified star na si Jordan noon – may MVP trophy na, Defensive Player of the Year pa ng 1987-88 regular season.

Pero hindi niya nalaktawan ang Pistons. Para siyang bumangga sa pader.

Kontra-pelo niya ang Bad Boys ng Detroit – Isiah Thomas, Bill Laimbeer, Rick Mahorn, James Edwards, John Salley, Joe Dumars at Dennis Rodman.

Ang Bad Boys ang responsable kaya natagpas ang karibalan ng Lakers at Celtics sa Finals.

At dahil sa husay ni MJ noon, inimbento ni Pistons coach Chuck Daly ang ‘Jordan Rules’.

Isang estilo ng depensa na ekslusibong para lang kay Jordan. Ganu’n siya kung respetuhin ng mga kasabayan.

Sa Last Dance documentary, ipinaliwanag ni dating Pistons assistant coach Brendan Malone ang Jordan Rules.

“On the wings, we’re going to push him to the elbow and we’re not gonna let him drive to the baseline,” ani Malone. “Number two, when he’s on top, we’re gonna influence him to his let. When he got the ball in the low post, we’re gonna trap him from the top. That’s the Jordan Rules, and it was that simple.”

Kahit ano’ng mangyari, kailangan mapigil ang No. 23. Kahit siguro tanggalan ng ulo, ng kamay, ng paa, basta hindi makaiskor.

Pisikal ang depensa ng Pistons, lalo ng Bad Boys kay Jordan. Kaya si MJ, lamog lagi pagkatapos ng laro.

Resulta: back-to-back championship ng Detroit noong ’89-’90.

Hangga ngayon, ramdam ni Jordan ang estratehiya sa kanya ng Pistons. At hangga ngayon, inis pa rin siya sa Bad Boys – bago napunta sa Bulls si Rodman.

“Oh, I hated them,” ani Jordan sa docu-series ng ESPN at Netflix. “That hate carries even to this day. They made it personal, they physically bet the sh*t out out of me.” (VE)