JoshLia matindi ang dedmahan

Hindi na talaga puwedeng ikubli pa na hindi na mag-best friends ang dating magsing-irog na sina Julia Barretto at Joshua Garcia.

Bakit kaniyo? Aba, kalat na kalat na social media ang bidyo sa mga social media site kung saan kitang-kita ang hindi nila pagpapansinan sa isang Chinese New Year payanig.

Mula paglalakad na magkahiwalay ang dating magkapareha. Hanggang sa pag-upo ni Barretto sa monoblock chair na sa labas ng entablado ay parang may sinisipat. Si Garcia naman ay mas pinili ang tumayo kesa tabihan ang dati niyang minamahal kahit pa nga may silyang tila inaantay siyang umupo.

Kapwa nagtitigas ang kanilang mga leeg. Ang mga mata, alam mong iniiwasang tignan ang isa‘t isa. Sa true lang, kung nakakamatay ang pande-deadma, malamang ang dalawang relatively young stars, tumimbwang na, agad-agad.

Kung kailan pa naman meron silang pelikulang paparating, hindi na talaga maitatago ang katotohanang tuyong-tuyo na ang damdamin nila sa isa’t isa at they can no longer stand each other, huh!

Mahirap rin ang kanilang kalagayan dahil kailangan nilang magpanggap na civil at polite pero sa totoo lang, ayaw na ayaw na nilang makasama pa ang isa’t isa. Pero alang-alang sa professionalism at sa dramang the show must go on. Kailangang magpanggap alang-alang siyempre sa ekonomiya, at hindi dahil sa sining, hindi ba naman?

Kaya kung ang dabarkads at madlang pipol, mas gustong i-block ang kanilang pelikula kesa panoorin ito, mauunawaan ko. Mauunawaan nating lahat.

Hindi talaga puwedeng ikubli ang mga nagmamarakulyo at nagwawalang mga damdamin. Minsan talaga, ang action speaks louder than words ay hindi puwedeng ilihim, itago at itanggi.

Sofia pabiba

Ang isa sa mga orihinal na artistang hindi pa nga sumisikat eh na laos na agad, si Sofia Andres, nagpapabiba at bida-bidahan na naman.

May mga hanash ito sa Twitter na para bang pangmalakasan ang kaalaman nito tungkol sa kagawian, tradisyon at kultura ng iba, lalong-lalo na pagdating sa mga kinakain.

Hindi ko alam saan nagmula ang hugot niya kaya rumatrat ito kung “normal” nga ba na may mga nilalang na ang aso, daga, paniki at maaaring pati ang koala ay ginagawang laman tiyan at pampatawid gutom.

Dapat na ba tayong magpalakpakan na may kasamang sigawan para sa laos na starlet at magbunyi tayo na may mataas na siyang cause at concern sa animal protection?

Juice colored! Kahit ano pang kuda, hanash at tanong niya, hindi siya puwedeng umarte na mas moral at katangi-tangi siya kung ikukumpara sa mga taong kakaiba ang hilig sa pagkain.

May mga natatanging dahilan ang iba’t ibang lahi at mga tao kung bakit nila ginagawa ang mga bagay-bagay at ito ay nag-uugat sa kanilang kultura, kasaysayan at estadong pang-ekonomiya.

Hindi porke five course meals from France or the US ang laging handa sa inyong hapag kainan, ibig sabihin nito ay puwede kang mamewang, magdabog ang bangs, pandirihan at maliitan ang mga taong may panlasa para sa kakaibang putahe at pagkain.

Sa true lang, kesa nagmamaganda ka at kinukwestiyon ang mga taong ito Bb. Andres, puwede pag-aralan, saliksikin at unawain kung bakit may ibang tao na gustong-gustong papakin ang mga pagkaing hindi kinakain ng mga pangkaraniwang tao. Huwag magmaasim agad at magpaka-arogante.

Kung sabagay, hindi naman bago sa iyo ang pagiging ganiyan kaya nga umayaw agad ang mga sumusuporta sa iyo at iniluklok ka bilang isa sa mga hindi pa nga sumisikat eh nalaos na agad.