PILI, Camarines Sur — Kumpiyansa si Kinetix Lab-Army rider Cris Joven na kaya pa niyang buwagin ang apat na Navy-Standard Insurance cyclists na nasa kanyang unahan.

Overall leader pa rin si Rudy Roque, may aggregate time na 18 hours, 12 minutes, 48 seconds matapos ang Stage 5 ng LBC Ronda Pilipinas 2017.

Pangalawa si Stage 1 winner Ronald Lomotos, sunod sina Daniel Carino at defending champion Jan Paul Morales.

Kinumpleto ni Joven ang top five, 3 minutes, 20 seconds sa likod ni Roque.

“Tulad nakaraan sunud-sunod sa binabantayan tapos pag may pagkakataon ay atake ulit tayo.” ani Joven, 30, na natigil ng isang taon sa pagbibisikleta.

Sisikapin din ng Navy Team na panatilihin ang dominasyon sa team classification paglarga ng Stage Six 46.6-km Team Time Trial ngayong araw mula rito at matatapos sa San Jose .

Kapit ng Navy ang unahan sa team classification sa pinagsamang 72:48:47 oras, sunod ang Go for Gold, (72:09:42) at Kinetix Lab-Army.

Ibubulsa ng magkakampeon ang P1 milyon mula sa presentor LBC, MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa ph., Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN Bike Xtreme, NLEX, PhilCyling at 3Q Sports Event Management.