Inako ni Tey Teodoro ang opensa sa fourth quarter para bitbitin ang JRU sa 86-77 come-from-behind win kontra Wangs Basketball at kumpletuhin ang playoff cast ng PBA D-League Aspirants Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao.

Bumitaw ng 17 points sa fourth quarter ang high-scoring guard na si Teodoro tungo sa 21 points, five rebounds at two assists para sa Heavy Bombers (4-4).

Hindi naitago ni JRU coach Vergel Meneses ang saya sa ipinakitang tikas ni Teodoro na mag-isang nag-ahon sa Heavy Bombers mula sa 12 puntos na pagkakaiwan sa halftime.

“‘Yan ang sinasabi ko sa kanya, ‘yung pag-take charge, sakto ang timing niya,” patungkol ni Meneses kay Teodoro. “He’s a big time player­ kaya dapat kunin niya palagi ang bola.”

Swak na ang Heavy Bombers ng isang upuan sa quarterfinals dahil sa win-over-the-other rule kontra Batangas.

Bumakas sina Jerard Bautista, John Grospe at John Ambuludto ng 15, 14 at 10 markers sa JRU.

Namuno sa opensa ng Couriers si Mark Montuano na may 20 points, nag-ambag ng 19 si Rey Publico.