Wagas ang saya ni Judy Ann Santos sa surprise birthday salubong niya nu’ng Huwebes nang gabi.Sa isang tagong bar sa BGC na kung tawagin ay Bank Bar naganap ang masayang birthday surprise, na pakana ng mister ni Juday na si Ryan Agoncillo, manager niyang si Jane Buencamino at mga beshie niyang sina Bb. Joyce Bernal at Direk Dante Nico Garcia.

After ng intimate birthday dinner ni Juday with close friends sa paboritong resto ng mag-asawa na Mecha Uma ay dinala si Juds sa Bank Bar, doon din sa building ng RCBC Corporate Center para sa inihandang sorpresa sa kanya.

Nagulat ang birthday girl na nandu’n ang mga malalapit niyang kaibigan para salubungin ang kanyang 40th birthday.

Ang unang surprise sa Fortylicious party ng Kapamilya Teleserye Queen ay ang paglabas ng bandang Aegis.

Sey ni Juday, madalas niyang panoorin noon ang Aegis sa Cowboy Grill nu’ng mga 15-an­yos siya dahil paborito ito ng kanyang Mommy Carol Santos.

Biro pa ni Juday, pa­ngarap niya kasing ma­ging member ng Aegis.

Ayun, naki-jamming siya sa Aegis ng Basang-Basa Sa Ulan, tapos ay magkasama nilang bina­natan ng amiga niyang si Angelica Panganiban ang Halik.

Bigay na bigay sa pag-awit ang Angge, na ganadong umawit nu’ng gabing ‘yon. Si Ogie Alcasid ay naki-jam din.

Ang bonggah nu’ng mag-join si Sarah Gero­nimo kina Juday at Angge with the Aegis, tapos ay kantahin nila ang Luha.

Hirit ni Juday kay Angge bago sila magsimulang bumirit, “Tata­lunin natin si Sarah Geronimo!”

Ang lakas ng throwback feels sa mga kantahang Aegis. Ang sabi ni Ryan, kung hindi siya na-date ni Juday nu’ng ‘90s, dadalhin niya ang ‘90s kay Juday.

Kaya ayun, mas nasorpresa ang birthday girl paglabas ni Ely Buendia, na kumanta ng tatlong Eraserheads songs.

Feel na feel nina Juday-Ryan ang pag-singalong kay Ely. Crush pala ni Juday si Ely, kaya kinilig ang hitad nang yakapin siya nito at batii­n ng “Happy birthday!”

May throwback kuwento pa si Juds na si Ryan ang nag-shoot ng cover ng first album ng banda ni Ely na Pupil, tapos ay nagpresinta siyang mag-catering.

Dayalog ng birthday girl, konti lang ang kanyang friends dahil mapili siya sa kaibigan. ‘Yung mga nandu’n daw that night, ‘yun na lahat ‘yon.

Ang kulang lang daw ay sina Sharon Cuneta, Regine Velasquez at ang BFF niyang nakatira sa Amerika na si Beth Tamayo.

Bukod kay Mommy Carol ay nandu’n ang kanyang Kuya Jeffrey at Ate Jackie. Wala ang mga bagets nila ni Ryan dahil bar ‘yon at gabi na.

Sey ni Juday, ‘yun ang pinakamasayang birthday niya. Ang huli raw niyang big party ay nu’ng mag-19 siya, na kunwari ay debut niya.

Bukas ang selebras­yon ng pamilya Agoncillo ng 40th birthday ni Juday­, kasabay na rin ng Mother’­s Day.

AshMatt buong gabi magkayakap

Ang salubong birth­day party ni Juday ang first public appearance ni Sarah Geronimo pagbalik nito from her US concert tour.

Ang ganda at ang saya-saya ni Sarah that night at inseparable sila ng nobyong si Matteo Guidicelli.

Nang hingan ng mensahe si Sarah para sa kanyang Ate Juday, ang kuwento niya ay may picture sila nito nu’ng maliit pa siya, na kuha sa That’s Entertainment.

Ani Sarah, hinawakan ni Juday ang kamay niya nu’ng time na ‘yon at sob­ra siyang natunaw. Kasi, Judy Ann Santos na ito, pero taong-tao. Hindi niya in-expect na wala itong kayabang-yabang at parang ka-level niya lang.

“Sobra akong na-ins­pire kay Ate (Juday). All the more nang magkaroon kami ng chance to work together. Sobra siyang naging totoong Ate sa akin, sila ni Ms. Sharon.

“Forever ko ‘yon tata­nawin na utang na loob, ‘yung ginawa nila for me na pagsuporta. And until now, si Ate, grabe lang. Grabe lang Ate ‘yung pagmamahal mo.

“Sana one day, masuklian ko. Kasi alam mo, hindi ko pa siya nasusuklian ngayon. So, I love you Ate. Mahal na mahal ka namin. Happy, happy birthday!” bulalas ng Popstar Princess.
Halos buong gabi silang magkatabi at magkayakap ni Matteo. Ang sarap makitang ang saya-saya ni Sarah sa pilin­g ng mahal niya.

Ibang level ‘yung ligaya na nakita namin sa mga mata ni Sarah at kakaiba rin ang tamis ng mga ngiti niya.

Walang bakas ng anu­mang lungkot, depression o emptiness kapag kapiling niya ang la­laking pinakamamahal niya.

Nakikita namin na magiging future Juday-Ryan din ang AshMatt!