HANGGANG ngayong linggo na lang papasok si Gladys Reyes sa MTRCB dahil paghahandaan na niya ang malapit niyang panganganak.
Ang tantiya ng OB-Gyne niya ay si Mayo 8 ito manganganak, kaya kailangan na niyang magpahinga.
Bale pangatlong baby boy niya ito sa apat na supling nila ni Christopher Roxas.
Nagkaroon ng baby shower kamakalawa sa Mirror Garden Events Place sa Marikina.
Bukod sa pamilya niya, ilan sa close friends niya sa showbiz na dumalo ay sina Donita Rose, Angelu de Leon, Wowie de Guzman, ang MTRCB Chairperson Atty. Rachel Arenas at ilang mga kasamahan niyang board members ng MTRCB.
Tingin ni Gladys, hindi siya gaanong mahirapan ngayon sa panganganak niya dahil nakapag-exercise siya at malaking bagay iyung madalas siyang magpa-chiropractor.
Ang naisip nilang pangalan sa baby ay Gavin Cale. Lahat kasi na anak nilang lalaki ay GC ang initials ng pangalan.
Sabi ni Gladys, ang ibig sabihin ng Gavin ay white hawk, at ang Cale naman ay brave at faithful.
Kung si Gladys ang masusunod, okay na sa kanya ang apat na anak nila ni Christopher.
Pero mukhang type pa ni Tope na sundan pa kaya hindi alam ni Gladys kung kakayanin pa niya.
***
Inimbita rin ni Gladys si Judy Ann Santos-Agoncillo sa kanyang baby shower pero hindi ito puwede dahil first taping day nito sa programang Bet On Your Baby na nasa pangatlong season na.
Kahapon ang presscon nitong comeback program ni Judy Ann sa Kapamilya network dahil sa May na ito mapapanood.
Tuwang-tuwa si Juday sa pa-welcome sa kanya ng production staff ng BOYB, pero hindi niya napigilang maging emotional sa presscon niya kahapon na sinorpresa ito ng past winners ng naturang game show.
Pagkatapos ng question and answer portion ng mga dumalong press, inilabas ang inihandang AVP nito kung saan ipinakita ang mga buhay ngayon ng ilang winners nila nu’ng nakaraang season.
Labing-isang winners sila na tinawag nilang BABYNARYOS, pagkatapos nilang manalo ng P1M at ang iba ay may house & lot pa.
Napaluha si Juday habang pinapanood ito. Lalo siyang naiyak nang lumabas ang ilang pamilya na winners sa naturang programa.
Pawang pasasalamat ang mensahe nila kay Juday dahil sa malaking pagbabago sa kanilang buhay gawa ng Bet On Your Baby.
Kaagad nilinaw ni Juday na hindi sa kanya galing ang P1M at house & lot na napanalunan.
“Mahirap na. Baka habulin ako ng BIR na namimigay na ako ng P1M at may house and lot pa.
“Hindi po. Host lang po ako dito,” napapatawa niyang pahayag.
“Siguro, naging instrumento lang ako.
“Hindi nga po ito sa akin galing. Pero ang mahalaga marami tayong nagbagong buhay ng mga batang ito, at nakapagpasaya ang ABS-CBN, na nakapagbigay sila ng bagong buhay sa napakaraming tao,” pakli ni Mrs. Agoncillo.
Lalong naiyak si Judyann nang lumabas ang isang pamilya na may BABYNARYO na rin na dating nakatira sa ilalim ng tulay.
Naluha na rin ang ina ng batang winner dahil hindi na sila ngayon nakatira sa ilalim ng tulay.
Kuwento ni Juday, “Itong sina Mommy talaga akong pinakana-excite. Kasi, ginagawa pa lang namin itong episode for them, I was really praying na makuha nila ‘yung house and lot, ‘yung episode na ‘yun regardless kung sino man makarating sa jackpot round.
“I was really praying na sana makuha ‘yung house & lot. Kasi, ‘yun ang episode na lahat na contestants, nakatira sa ilalim ng tulay, nakatira sa kariton.
“Iyun ‘yun, eh. Kaya nung nanalo sila, lahat kami, masaya,” gumagaralgal na ang boses at naluluha nang pahayag ni Juday.