Juday, OA kung mag-expect ng award

Judy Ann Santos

BUKOD sa acting awards, feeling namin ay malakas ang laban ng 2016 Cinemalaya entry ni Judy Ann Santos-Agoncillo na Kusina sa People’s Choice Award na ibinibigay ng nasabing film festival.

Ang tickets para sa gala premiere ng Kusina (sa August 9 sa CCP Main Theater) ang pinakamabilis na na-sold-out, kasunod ang Tuos nina Nora Aunor & Barbie Forteza at Mercury is Mine nina Pokwang & Bret Jackson.

Aminado si Juday na merong kaba at pressure sa kanya dahil ngayon lang ulit siya nagpelikula after ng last movie niyang T’yanak nu’ng 2014.

Sa unang Cinemalaya film ni Juday nu’ng 2012 na Mga Mumunting Lihim ay nagwaging Best Actress/Best Suppor­ting Actress ang apat na bidang babae nito na sina Juday, Janice de Belen, Iza Calzado at Agot Isidro.

Obviously, this year ay sila ni Nora ang mahigpit na maglalaban sa pagka-Best Actress, pero wala raw ine-expect si Juday.

Ang winish lang niya ay matapos niya nang maayos ang pelikula at ma-satisfy niya ang mga direktor niya sa trabahong binigay niya.

OA raw kung mag-expect siya ng award.

Ang totoo ay exci­ted na muling umarte si Juday. Mas may kaba lang siya nu’ng simula ng shooting dahil hindi niya alam kung kaya pa ba niya.

Napaisip siya kung nakakalimutan ba ang pag-arte. May takot at may pressure dahil after ng mahaba-haba niyang maternity leave ay ngayon lang siya aarte ulit.

Nanibago siya dahil sunud-sunod na hosting jobs ang ginawa niya nang magbuntis siya at hanggang sa makapanganak siya sa bunso nila ni Ryan Agoncillo na si Luna.

Gusto ni Juday ang nakakapag-explore ng iba’t ibang karakter na hindi tipikal na ilalabas ng mainstream studio kaya siya tumatanggap ng indie project na katulad ng Kusina.

“Once in a while, you have to take that leap of faith para maka-experience ka ng ibang klase ng pagtatrabaho,” pakli niya.

Nakiusap siya sa producers at directors nito kung puwede siyang hintayin dahil gustung-gusto niyang gawin ang proyekto.

Hindi pa siya buntis ay inalok na ito sa kanya. Nang ma-preggy siya ay inurong ang shoot at hinintay siya nang da­lawang taon.

Sobrang relate si Juday sa karakter ni Juanita na mahilig magluto at buong buhay ay umikot sa loob ng kusina.

Mahaba ang tinakbo ng istor­ya, mula pagkabata ni Juanita nu’ng panahon ng Hapon hanggang magdalaga ito, magka-asawa at tumanda.

Biro ni Juday, dapat ay siya rin ang gaganap na teenage Juanita, pero hindi kinaya ng bewang niya.

Na-hook siya sa istor­ya nang mabasa niya ito dahil simple pero malakas ang mensahe.

Mala­king factor din ‘yung lutu-luto dahil passion niya ‘yon at me­ron pa siyang nilabas na cook book.

Palanca winner ang Kusina na sinulat ni Cenon Palomares. Sina Cenon at David Corpuz ang nag-direk nito, na kabilang si Juday sa tatlong executive producers.

Sa Agosto 5-14 ang 2016 Cinemalaya filmfest na mapapanood sa CCP at Ayala Cinemas.