NAG-FLOORING, hindi lang basta nag-walling si Judy Ann Santos-Agoncillo sa isang matindihang dramatic moment niya sa 2016 Cinemalaya entry na Kusina.
Hindi lang kasi sumandal sa dingding at saka nag-emote kundi nag-lupasay ang karakter ni Juday na si Juanita sa sahig ng kusina at saka ito pumalahaw ng iyak.
At bago niya gawin ang nasabing breakdown scene ay nagsaboy muna siya ng asin sa buong kusina.
May simbolismo ang asin sa kuwento ng pelikula.
Nakadalaw kami sa set ng Kusina sa Semicon building sa may Marcos Highway kaya alam naming marumi ang sahig na ‘yon kung saan buong ningning na humiga at ngumawa si Juday.
Hindi ba siya nandiri sa kanyang ‘flooring’ scene?
“Wala naman akong choice, hindi ako puwedeng magmalinis. Lahat naman kami nadumihan!
Ha! Ha! Ha!” tawa ni Juday nang matsika namin after ng advance screening ng Kusina sa Director’s Club ng SM Megamall.
Patuloy niya, “Parang ‘pag naging maselan ako sa eksenang ‘yon, bakit ko pa siya ginawa, ‘di ba?
“Hindi ako nandiri. Kasi, ‘pag nandu’n ka sa eksena, parang gusto mo na lang siyang matapos. Gusto mo lang siyang itawid, ‘yun lang.
“Ang nasa isip ko, ‘Kapag hindi ko nagawa ‘tong eksenang ‘to nang maayos, na-fail ko ‘yung buong pelikula. Hindi ko nabigyan ng justice ‘yung paghihintay ng mga direktor sa akin, hindi ko nabigyan ng justice ‘yung karakter ko.’
“So, keber na.”
Feeling ni Juday, kailangan talaga ang nasabing eksena dahil doon lang sumabog ang bidang si Juanita sa lahat ng kinikimkim nitong emosyon.
Aniya, sa totoong buhay ay walang hindi sumasabog. Kahit ‘yung pinakamabait na tao ay dumarating sa puntong napupuno rin.
May mga nanood na press na ang komento kay Juday ay tila pinaghalong Nora Aunor at Vilma Santos ang akting niya sa maalat at maasin na breakdown scene niya na ‘yon.
Tapos ay mala-Jaclyn Jose ang akting niya sa eksena na the whole time ay nakikinig lang siya ng balita sa transistor radio nu’ng panahon ng Martial Law, habang ang anak niyang lalaki ay nagpapaalam na aalis kasama ng nobya nito.
Natawa kami sa hirit sa amin ni Juday na kaya hindi siya umalis sa puwestong ‘yon ay dahil the best ang ilaw doon at maganda siya sa spot na ‘yon, sabi ng cinematographer ng pelikula na si Lee Briones-Meily.
Katwiran niya, mataba na nga siya sa pelikula ay pupuwesto pa siya sa hindi siya kagandahan. So, doon siya tumayo para gandara ang lighting niya.
Parang ngayon lang namin napanood si Juday na may ganu’n katodong breakdown scene.
Sabi niya sa amin, siya rin ay ngayon lang niya nagawa ‘yon.
Sa tantiya niya ay mga 5 minutes ang iyak niya sa naturang eksena, na kung sosobra pa ay malamang napatid na raw ang mga litid niya.
Aminado si Juday na sumugal siya sa experimental film na ito. Aware din siya na posibleng manibago ang fans sa mapapanood nila.
Ganu’n pa man, nasa punto si Juday ng career niya na gusto niyang mag-take ng risks and to think out of the box.
Naniniwala siyang dapat siyang sumugal para hindi laging nakakahon na lang siya sa usual projects na ginagawa niya.
Bukas ang opening night ng Cinemalaya 2016 at simula sa Sabado (Agosto 6) ay mapapanood na ang Kusina sa CCP at Ayala Cinemas.