Umani ng papuri ang panganay nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo na si Yohan (Johanna Louis Agoncillo) dahil sa ganda ng singing voice nito.

Ultimo si Ogie Alcasid ay na-impress sa boses ng 15-year-old daughter nina Juday at Ryan, habang si Matteo Guidicelli ay napa-comment ng, “Sooooo good!!” sa video na pinost ni Ryan sa IGTV.

Buding ang palayaw ni Yohan, na pinuri ng netizens dahil effortless daw ang ganda ng boses nito at talagang talented.

Actually, hindi lang kumanta kundi nag-piano pa si Yohan habang inaawit ang “Someone You Loved” ng Scottish singer-songwriter na si Lewis Capaldi.

Ang cute ng bonding na ‘yon ng pamilya Agoncillo na nasa kuwarto sila at sabay-sabay nag-cheer kay Ate Yohan, na ang cute nu’ng nagkamali pa sa simula at ang sabi, “Oops, sorry I messed up that chord!”

Napanood na naming mag-perform before si Yohan sa isang birthday party ni Mommy Carol Santos at humanga kami sa ganda ng boses ng bagets.

At that time ay big hit ang “The Greatest Showman” soundtrack at impressive ang pagkanta ni Buding sa mga songs from that movie.

Ang totoo ay puwedeng-puwedeng sumali sa “The Voice Teens” si Yohan at nasabi namin ‘yon kay Juday, pero mas gusto nila ni Ryan na mag-concentrate ito sa pag-aaral.

Although hindi kami magtataka kung balang araw ay pasukin din ni Yohan ang showbiz dahil may future talaga ang bagets bilang singer, in all fairness.

Kahapon habang naka-home quarantine ay ang gandang tingnan na nag-aaral ng kanilang school subjects sina Yohan at Lucho, habang ang bunsong si Luna ay tinuturuan ni Daddy Rye na magsulat ng letters sa alphabet.

Ang sarap din ng nilutong ulam ni Mommy Juday na ginataang sugpo at sayote sa luyang dilaw at saka sinuam na mais at malunggay. Happy family indeed.

PAK!!

Apela ni Angel sa PhilHealth aprub

Nag-trending na naman si Angel Locsin at ang Darna nu’ng isang araw dahil sa mga tweet ni Angel tungkol sa nagaganap ngayon na may kinalaman sa COVID-19.

Umapela siya sa pamahalaan ng financial support para hindi na kailangang sumugal sa labas ng mga maliliit na manggagawa.

Kabilang din sa pinanawagan ng aktres-pilantropo ang pagpasan ng PhilHealth sa gastos sa treatment ng may coronavirus.

Kaya natuwa siya at nagpasalamat nang i-announce ng PhilHealth ang isolation package at referral package nito para sa COVID-19.

PAK!!