HAVEY: Ramdam namin ang pressure kay Juday sa pagsali sa Cinemalaya ngayon.
Noong 2012 kasi, kasama niya sa entry na Mga Mumunting Lihim sina Iza Calzado, Agot Isidro at Janice de Belen at sama-sama silang naging best actress at best supporting actress.
Ngayong taon, mag-isa niyang itataguyod ang pelikulang Kusina na top winner sa Palanca Literary Awards ten years ago.
“Grabe sa Cinemalaya ngayon. Dito natanggal lahat ng pretensyon ko bilang tao.
“Dito, in-embrace ko ang pagiging artista. Kesehodang mataba ako, eh ‘yun naman ang role.
“Isang napakagandang script. Isang babaeng buong buhay niya ay napako sa kusina.
“At least, nakahanap ako ng role at production set-up na hindi kailangang maging banidosa, natural lang.
“In-enjoy ko lang, dinama ko lang. Basta, malaya lang na nag-flow lahat,” sabi ng ating Drama Queen na si Judy Ann Santos.
Sa pelikulang Kusina, may co-production credit si Juday na ang sabi, “Ang sarap pala na may production credit ka — feeling ko ngayon, hangga’t maaari, ang mga artista, maganda na may stake (may taya) sa mga ginagawa nilang projects.
“Since Ploning, iba talaga ‘yung may malasakit ka sa mga projects na ginagawa mo.
“Parang tinutupad mo ‘yung mga passion projects mo,” sabi ng asawa ni Ryan Agoncillo at ina nina Yohan, Lucho at Luna.
“Matapos lang magpa-breastfeed kay bagets, at bumalik lang ako nang konti sa timbang na hindi lang pang-Kusina, gusto kong makagawa pa ng maraming pelikula.
“Di ba, the previous year, hinabol ko talagang matuto and work with the Masters like Peque Gallaga at Lore Reyes?
“Iyun ang gusto kong gawin — to work with really good directors na marami pa akong matututunan.
“Sana, sina Direk Brillante Mendoza at Direk Lav Diaz, si Jerrold Tarog na direktor ng Heneral Luna, si Inang Olive Lamasan.
“Sana, gustuhin nilang makatrabaho ako. Please, paghahandaan ko talaga kayo.

“I want to be challenged with stories and materials na magpapalawak ng pag-intindi ko sa art o sining ng paggawa ng pelikula.
“I also want to work with co-actors na mahahawahan ako ng kanilang galing — like Ate Vi at Ma’am Charo at marami pang iba.
“‘Yan ang wish ko talaga. Since SANTOS naman sila pareho — Ate Vi at Ma’am Charo, mano bang gustuhin ninyo akong makasama para TODOS LOS SANTOS na po tayo!!!” pabirong totoo na sinabi ng batang Superstar.
“Heto na, naluto na po ang aming espesyal na pelikula — atin pong pagsaluhan ang kuwento ni Juanita sa Kusina sa Cinemalaya na magsisimula na po sa Friday hanggang August 17.
“Magkita-kita po tayo sa CCP. Susulitin ko ang Cinemalaya experience ko this year at manonood talaga ako ng mga pelikula sa CCP para buo ang experience ng pagsuporta sa mga indie productions.
“Tapos may mga meet and greet kaming naka-schedule para sa mga screenings ng KUSINA.
“Please, tulung-tulong pa tayo para tangkilikin ang mga pelikulang pinaghirapan po namin — dugo, pawis, oras, lakas, alikabok, asin… at kung anu-ano pa…. magkita-kita po tayo sa Cinemalaya 2016!”
***

WALEY: Kinuyog ng followers nina Aiza Seguerra at Liza Diño ang isang netizen na naging bastos sa pagko-comment.
Sabi ni Aiza, “My wife wrote something on Facebook at as usual, kagaya ng ibang mga posts niya, na-grab ito ng iba’t ibang news sites.
“Wala naman problemang magkakaiba tayo ng opinyon, Bryan Harris Richard (kung ‘yan man ang totoo mong pangalan).
“Pero para bastusin mo ang asawa ko dahil hindi ka sang-ayon sa kanya, ipinapakita mo lang na wala kang pinag-aralan at isa kang walang kwentang tao.
“Napakalakas ng loob ninyong mga bastos kayo. Dahil ano? Facebook lang?
“Akala ninyo, hindi namin mababasa? Iisa-isahin ko kayong mga bastos kayo nang makita ng lahat ng tao kung ano ang pinagsasabi ninyo sa aming mag-asawa.
“Magmula ngayon, ipo-post ko lahat ng kabastusan na sinasabi ninyo tungkol sa amin. Pati picture ninyo, po-post ko. Pati pangalan ninyo.
“Iisa-isahin ko kayo,” na siya ngang ginawa ni Aiza.
May post kasi itong netizens na derogatory sa mga LGBTQ couples.
Nagpapakamoralista pero bastos naman talaga.
Heto ang reaksyon ni Liza, “My post regarding ‘extrajudicial killings’ was picked up by the media.
“At as usual, imbis na basahin ang article, kaliwa’t kanan na naman ang mga personal na komentaryo tungkol sa relasyon naming mag-asawa at kung anu-anong mga bastos na salita ang binabato sa amin.
“Well, it’s about time people be held accountable for what they say online.
“To Bryan Harris Richard, para sa isang taga ATENEO at consultant ng SHELL, napakabalahura mo!
“Palakpakan natin ‘to… sa mukha!!!”
Katulad nga ng sinabi nina Aiza at Liza at ng followers nila, ngayon pa lang ako makakakilala ng Atenista at empleyado ng isang prestihiyosong kumpanyang Shell na kulang ang gasolina at banal na bendita para maayuno ang bibig ng taong nabanggit. Hindi dapat ito pinapatulan pero sa pagkakataong ito, kailangang ipangalandakan na ito para hindi tularan.
Mismo!
Sana, maging babala rin ito sa mga abusado sa social media.
***
For your comments, opinions and contributions, you can DM me on IG and tweet me @iamnoelferrer.