JUDGE, MAYORS SUMUKO NA

Isa-isa nang sumusuko ang mga personalidad na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon na sangkot umano sa illegal drug trade makaraang magbigay ito ng ultimatum na 24-oras para lumutang ang mga binanggit at mag-report sa kanilang supervising agencies o maharap sa pagtugis ng mga awtoridad.

Sumuko ang isang hukom mula sa Dasmariñas City, Cavite na hindi pa pinangalanan pero sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlo na agad itong dumiretso sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame upang sumalang sa imbestigasyon at magbigay ng pahayag.

Gayunman, mula sa isang source, sinabing si dismissed Judge Lorinda Mupas ang dumating sa Camp Crame kasama ang kanyang asawa. Na-dismiss umano ito sa serbis­yo dahil sa kasong gross ignorance of the law.

Sa kanyang pagsisiwalat, binanggit ni Pa­ngulong Duterte ang isang ‘Judge Mupas’ sa Dasmariñas na kabilang sa listahan ng mga personali­dad sa illegal drug trade.

Sumalang naman sa mahigit tatlong oras na closed door custodial investigation ng Major Crime Investigation Unit ng PNP-CIDG si San Rafael, Bulacan Mayor Ciriano ‘Goto’ Dungao Violago Jr. matapos na iprisinta nito ang sarili sa CDIG bandang alas-7:50 ng umaga.

Ayon kay Violago, iprinisinta niya ang sarili upang linisin ang kanyang pangalan.

“Nagulat nga ako, nasama ako sa mga isinapubliko ng Pangulo na sangkot sa illegal drug trade sa bansa. Handa naman akong sagutin ang alegasyon sakin at kung meron mang demanda laban sa akin. Kung hihi­lingin ng pagkakataon ay pwede akong mag-leave,” pahayag ni Violago.

Gayunman, sinabi nito sa media na wala itong pla­nong kasuhan ang Pa­ngulong Duterte sakaling dumating sa punto matapos ang imbestigasyon na mali ang mga impormasyon na inihain sa Chief Executive.

Bandang ala-1:10 ng hapon, nakabalot ang mukha nang dumating naman sa CIDG sa Camp Crame si dating Saguiaran, Lanao del Sur Mayor Rasmiya Macabagos kasama ang kanyang pamangkin at abogado na si Atty. Filomeno Arteche III.

“Sinabi ko sa kanya, you don’t have to surrender but you have to pre­sent yourself to CIDG you have to clean your name. Kung may kasong isasampa, we’re willing to face it… in fact I told to CIDG, my client is wil­ling to undergo a drug test. So far, wala naman directive pero handa kami sumalang sa PNP Crime Lab,” wika ni Arteche.

Walong opisyal naman sa Maguindanao na kasama sa pinangala­nan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sumuko din upang linisin ang kanilang mga pangalan.

Sinabi ni Maguindanao Provincial Police Office director Sr. Supt. Nickson Muksan na pawang itinanggi ng walo na may kaugnayan sila sa iligal na droga at inamin na nangangamba sila para sa kanilang kaligtasan.

Kasama ang kanilang mga pamilya at suppor­ters, sumuko sina Ampa­tuan Mayor Rasul Sangki; Talitay Mayor Montasir Sabal; Datu Monta­wal Mayor Vicman Monta­wal; Datu Saudi Ampa­tuan Mayor Samsudin Dimaukom; Datu Salibo Mayor Norodin Salasal; Talitay Vice Mayor Abdulwahab Sabal; Datu Montawal Vice Mayor Otto Montawal; at Datu Saudi Ampatuan Vice Mayor Anida Dimaukom.