Judge sa Batocabe case kinondena; mga kongresista nagprotesta

Homicide isasampa vs 2 pulis-Rodriguez

Nagsuot ang mga kongresista ng button pin na may mukha ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe upang kundenahin ang pagpayag ng korte na makapag-pyansa ang pangunahing suspek sa kanyang pagpaslang.

Sa kanyang privilege speech, mariing kinundena ni Party-list Cong. Sharon Garin (AAMBIS-OWA) ang decision ni Legazpi City Regional Trial Court Branch 10 Judge Ma. Theresa Loquillano na payagan si dating Daraga, Albay Mayor Carl `Awin’ Baldo na pasamantalang makalaya sa pamamagitan niyang piyansa sa kabila ng umano’y matibay na ebidensya sa kanya bilang pangunahing nasa likod ng pagpatay kay Batocabe noong Disyembre 2018.

“He (Baldo) is free to continue his reign of terror in Rodel’s beautiful hometown of Daraga, free to tamper the physical evidence, free to intimidate witnesses. He roams while our beloved friend lies in the dust; his spirit restless, his family in fear,” giit ni Garin.

Kabilang sa mga kongresista na nakisimpatya sa pamilya Batocabe at kumondena sa desisyon ng Legazpi City RTC ay sila Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin, Magsasaka Party-list Rep. Argel Cabatbat, Cavite Rep. Pidi Barzaga, Deputy Majority Floor Leader Bernadette Herrera Dy,Deputy Speaker Dan Fernandez, at House Majority Floor Leader Ferdinand Martin Romualdez.

Ang mga nasabing kongresista ay nakitang suot ang pin na may mukha ni Batocabe habang binabanatan ni Garin ang Legazpi RTC sa plenaryo.

Dagdag pa ni Garin, ang desisyon ng korte na payagan si Baldo na makapag-piyansa ay makakaapekto sa takbo ng hustisya sa bansa.

“The decision places an undue burden on the police and other investigative institutions. If half a dozen witnesses and a complete inventory of guns and vehicles does not cut it, how can any criminal be successfully prosecuted?” giit ni Garin.

Si Batocabe at ang kanyang police escort na si SPO1 Orlando Diaz ay walang habas na pinaulanan ng bala ng anim na armadong naka-motorsiklo habang dumadalo sa isang gift-giving program para sa mga senior citizens at may mga kapansanan sa Barangay Burgos tatlong araw bago sumapit ang Kapaskuhan noong nakaraang taon.

Tatakbo dapat si Batocabe bilang alkalde ng Daraga bago siya pinaslang.

Nauna dito, pinayagan din makapagpiyansa ni Judge Loquillano si Baldo ng P3 milyon cash sa kaso nitong illegal possession of firearms, ammunition and explosives. (JC Cahinhinan)