Sa wakas ay nakatrabaho na ni Judy Ann Santos ang international award-winning director na si Brillante Mendoza.

Natapos na nila ang pelikulang Bayang Magiliw. Ang sabi sa amin ni Direk Brillante, sobrang saya ng shooting nila at sobrang na-involve din si Juday sa first collaboration nila.

Nabanggit sa kanya ni Juday na ‘yung shoot nila ay parang ‘yung mga shooting ni Juday nu’ng bata pa ito na walang special treatment sa set, parang hindi sila artista at walang tinatratong superstar, pero nandu’n ‘yung respeto.

Kaya na-enjoy daw ni Juday ‘yung shoot, pati na ‘yung sistema ni Direk Brillante na walang script dahil ‘yun ang nakasanayan nito.

Totoo bang hinihintay na ang nasabing pelikula sa Cannes filmfest kung saan suki siya at minsan na siyang nagwaging Best Director (para sa Kinatay)?

“Hindi naman. Kasi, mag-e-edit pa lang ako. Definitely, not this year. Kasi, may mga ibang ginagawa pa ako na medyo natali ako du’n sa TV series na ginagawa ko,” sagot ng premyadong direktor.

Ang hirap din daw magsabi na panlaban ito sa Cannes. Basta gagawin muna nila ito nang maayos at tama.
Pero may plano siyang sumali ulit sa Cannes?

“Oo. At saka sinabi ko naman sa kanila, it’s not gonna be this year. It will take time. Kasi, may animation ‘yung pelikula. So, matagal ‘yon.”

Tungkol sa isang Muslim family sa Marawi ang Bayang Magiliw, na si Juday ay gumaganap bilang ina ng batang may kanser.

Saan doon papasok ‘yung animation?

“Sikret! Ha! Ha! Ha!” natatawang sagot sa amin ni direk, na mentor ni Coco Martin.

First time nilang magkatrabaho, pero maraming beses na palang nag-meet at nag-usap before sina Direk Brillante at Juday, nu’ng buhay pa ang dating manager ng aktres na si Tito Alfie Lorenzo.

Feeling ni direk, perfect timing na ngayon sila nag-work together dahil isa nang nanay si Juday, so mabilis itong pumasok sa karakter nito.

Si Direk Brillante ang isa sa mga punong abala sa 4th Sinag Maynila Film Festival. (Allan Diones)