Juico, iba pa humiling sa IATF na makabalik

Pitong national sports association (NSA) kabilang ang athletics, volleyball at basketball, ang humiling sa gobyerno na payagang makapagsimula ng kani-kanilang mga balik-operasyon para maisagawa ang nabinbing mga programa ngayong taon.

Nanguna ang Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa), Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI) na nakiusap sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na payagan na silang makabalik sa ‘new norma’.

Kasama din ng tatlo ang Philippine Football Federation (PFF), Karate Pilipinas (KP), Philippine Rugby Football Union (PRFU) at Gymnastics Association of the Philippines (GAP).

Asam ng mga NSA na maibalik na sa puspusang pagsasanay ang kanilang mga atleta na nakatuon sa mga qualifying tournament ng susunod na taong 32nd Smmer Olympic Games sa Tokyo, Japan, at sa unti-unting pagpapasimula sa mga aktibidad na itinakda sa kabuuan ng 2020.

Hiniling ng mga high-ranking officials ang isang buwan na trial training period para maipagpatuloy ang kanilang mga event local at international.

Nagkakaisa ang mga NSAs sa kolektibong pagbibigay ng kanilang panuntunan para sa kaligtasan ng kanilang mga atleta , coaches, officials at office staff kontra coronavirus disease.

Ayon kay Patafa president Philip Ella Juico, ipapadala ng grupo ang request kina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Wiliiam Ramirez at Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino para iendorso sila sa IATF.

“If everything goes well during that one-month period, we will request that the permit be extended for another month or so until regular competitions are held, say, by early September,’’ ani Juico. (Lito Oredo)