Julia B, huling baraha ni Vin sa showbiz

vin-abrenica

NANG ipinakilala sa ASAP noong nakaraang Linggo ang stars ng Star Magic, si Julia Barretto na ang ka-partner ni Vin Abrenica.

Si Julia ang ka-loveteam ni Vin para sa drama series na gagawin nila sa ABS-CBN 2.

Kabado ang dating Kapatid aktor dahil ito na raw ang hu­ling ‘baraha’ o pagkakataon niya sa showbiz.

Kapag hindi siya nagtagum­pay rito, susundin na raw niya ang hiling ng daddy niya na asikasuhin ang negosyo nila.

Medyo na-disappoint daw ang daddy niya nang pinasok nito ang showbiz dahil siya lang daw ang inaasahang mag-asikaso ng resort nila sa Batangas.

Pahayag ng young actor, “Nag-promise ako sa daddy ko na I’ll be with them. Nandu’n lang ako sa tabi nila. Tutulong ako sa business nila.

“Nangako ako na ako ang hahawak ng business nila. Kasi, dapat panganay si Kuya (Aljur Abrenica), eh maaga siya nag-artista. So, sa akin na sila nakatutok.

“Pinaaral nila ako. Sabi sa akin ng daddy ko, eto ang course na kunin ko, para ako na mag-manage ng resort namin.”

Pero hindi nga nasunod iyun. Kaya nakaramdam siya ng pressure nang lumipat siya sa ABS-CBN 2 dahil kailangang maging successful na siya rito.

“Nang pumasok din ako sa showbiz, na-disappoint siya, nakita ko ‘yun. Kaya last chance ko na talaga to,” napapangiti niyang pahayag.

Bukod sa soap na gagawin ni Vin sa Kapamilya network, may pinaghahandaan silang magkakapatid na music video na ilalabas nila sa YouTube.

May mga nagawa raw na kanta si Aljur na gagawan nila ng music video.

“Magaling gumawa ng kanta si Kuya. Pinaparinig niya sa akin,” pakli ni Vin, na kabilang din sa pelikulang Hermano Puli ni Aljur.