tonite-diva-chronicles-alwin-ignacio

Si Julia Barretto, sumailalim sa isang minor eye surgery. Ayos na ang dalaga, at ang kinalugod ni Marjorie Barretto, na ang kaibigan nitong si Erich Gonzales ay nasa ospital, dinadamayan ang kanyang anak.

May larawan pa ngang kuha na hawak-kamay ni Gonzales si Barretto, pinalalakas ang loob ng kaibigan. Si Nanay Marjorie nga, super touched sa ginawa ni Erich dahil nga kahit kulang ito sa tulog, hindi alintana ang puyat, makasama lang at mapakita kay Julia na she is there for her friend.

Nakakatuwa ang ginawang ito ni Bb. Gonzales. Panalong malaman ang ganitong mga kuwento kasi patotoo ito na kahit pa nga maligalig, maintriga at masalimuot sa showbizlandia, ang tunay na pagkakaibigan ay patuloy na namumulaklak at ang bunga ay may mainam, kaaya-aya, dulot ay ngiti at ligaya.

Ang ganitong pagkakaibigan, kailangan nating tularan. Mas marami pa nawang showbiz personalities, tulad ni Erich Gonzales, na magbigay ng inspirasyon sa balana, dabarkads at madlang pipol. Kapuri-puri ang pagkakaibigang meron sina Barretto at Gonzales.

***
Ang kapalaran ng dalawang pelikulang kasalukuyang pinagsasabong sa takilya, ang Karla Estrada led “Familia Blondina” at ang Jodi Sta. Maria horror movie na “Second Coming,” maiba sana ngayong weekend.

Pelikula nina Karla, Jodi walang ₱1M kita?

How true nga kaya ang chikang wala pang tig-iisang milyon ang kinita ng mga pelikulang ito eh ilan na rin naman sila sa sinehan? Si Comedy Momshie nga, go for gold ang provincial screenings, huh!

Kung magbabago ang box office figures para sa mga pelikulang ito, magandang balita. Kung hindi naman, masasabi ba nating hindi pa siguro panahon ni Estrada para mag-reynang uri sa takilya?

Eh si Jodi, come to think of it, ano nga ba ang last big box office hit na pelikulang ito? Siya ba ay sadyang major, major television star, an actress of note pero hindi pa box office magnet?

Horror ang genre. ‘Yung isa naman, family comedy with little doses of bi-racial concerns. Ang madlang pipol ba, sobrang choosy na ba?

Ang coming soon sa mga sinehan ay: “Kuya Wes,” mula sa Cinemalaya 2018, ang bida ay sina Ogie Alcasid at Ina Raymundo. Sa true lang, ang Cinemalaya audiences, “maligamgam” ang pagtanggap rito; “Pansamantagal,” kuwela ang trailer, may kapangahasan at kapilyuhan, bida sina Gelli de Belen, DJ Chacha at Bayani Agbayani; at ang may golpe de gulat at may A-lister actresses with Mikhail Red as its kabogerong director, “Eerie.” May Bea Alonzo ka na, may Charo Santos ka pa.

Sa tatlong Pinoy films na paparating, ano nga kaya ang mamahalin at yayakapin?