Julia may buwelta sa JoshNella

Julia may buwelta sa JoshNella

Sa kabila ng intriga at problemang kinaharap ng aktres na si Julia Barretto, may mga kaibigang nanatili sa tabi niya. Sa episode ng “Magandang Buhay” nitong Lunes, January 27, pinagmalaki ng aktres ang dalawang totoong kaibigan niya.

Ito na kaya ang buwelta niya matapos niyang i-unfollow ang ilang kaibigan sa showbiz? Matapos ang naging hiwalayan nila ng ex-boyfriend na si Joshua Garcia, sunod-sunod ang pag-unfollow niya sa mga dating kaibigan na sina Khalil Ramos, Janella Salvador at Gabbi Garcia.

Sa nasabing episode, kasama niya ang mga natirang totoong kaibigan niya na sina Chie Filomeno at MJ Cayabyab.

Sa lahat umano ng pinagdaanan niya, doon niya nakita ang mga taong hindi natakot na ipaglaban siya at ipakitang kaibigan siya.

Noong panahong binabatikos si Julia, isa si MJ sa mga nagtanggol sa kanya.

Sey ni Julia, “They were fearless and they were proud of our friendship despite of the opinions of other people sa akin. So doon ko talaga nalaman na eto ‘yung mga tunay kong kaibigan.”

Ang friendship nina Julia at Chie ay subok na noon pang 2015 matapos nilang magsama sa serye na “And I Love You So”. Sa seryeng “Ngayon at Kailanman” naman napalapit si Julia kay MJ. (Rona Ronda)