Julia nangangamoy boo

Mamaya na ang All-Star Games 2019 ng ABS-CBN Star Magic na 2:00 PM ang simula sa ­Araneta Coliseum.

Bukod sa all-star harapan at banggaan ng magkakalabang teams ay inaabangan dito sina Gerald Anderson at Julia Barretto na parehong kasali sa laro.

Si Gerald ang team captain ng Star Magic Warriors (red team) na maglalaro sa main event na basketball. Kasali na rito si Daniel Padilla at bale ito ang co-team captain ni Gerald.

Si Julia ang team captain ng Star Magic Spikers Blue Team sa women’s volleyball. Ka-team ni Julia sina Gretchen Ho, Loisa Andalio at iba pang starlets ng Star Magic.

Kala­ban nila ang Red Team na si Kim Chiu ang team captain. Si Nikki Valdez lang ang kilala namin sa team ni Kim, the rest ay pa­nay Kapa­milya starlets na.

Ang “It’s Showtime” All-Stars (blue team) ni Vice Ganda ang makakalaban ng team ni ­Gerald.

Kasama sa team ni Vice sina Billy Crawford, Vhong Navarro, Jhongn Hilario, Ryan Bang at iba pang taga-“It’s Showtime.”

Nasa red team naman ni Gerald sina Zanjoe Marudo, Ejay Falcon, JC de Vera, Ronnie Alonte, Donny Pangilinan at iba pa.

Hilig ni Gerald ang basketball kaya tiyak na kakaririn niya ang game ng team nila mamaya sa Big Dome.

In fairness ay mukhang kinarir din ni Julia ang volleyball practice ng kanilang grupo, na mukhang patataubin­ ang team ni Kim.

Ang babala lang ng netizens kay Julia, sana ay huwag siyang i-boo ng audience mamaya sa Araneta. Meganern?

Sakaling may pambu-boo na maganap sa Big Dome mamaya, alam na natin kung kanino nakikisimpatya ang mga ‘yon.

Actually, halos lahat ay ginawa na ni Julia matapos siyang madawit sa hiwalayang Gerald at Bea Alonzo.

Pinatutsadahan na niya si Bea sa social media, mariiing itinanggi na inahas niya si Gerald, nangakong mamahalin niya forever ang ex na si Joshua Garcia, pero tila marami pa rin ang hindi kumbinsido.

Well, hindi naman maaalis na meron talagang mga Team Bea kaya kailangan niyang tanggapin ‘yon.

Ano ­kayang gagawin ni ­Gerald kapag may nam-boo kay Julia sa Araneta? Ipagtatanggol niya kaya ito? Magi-guilty kaya siya?

Oh well, mas bongga kung aapir bigla sa Big Dome si Bea para ‘all-stars’ na talaga ang casting! Ha! Ha!

Bago nga pala ‘yung main event ay maglalaban muna ang new breed na Star Magic Dribblers. Si Elmo Magalona ang captain ng blue team at si Jerome Ponce naman ang sa red team.

Mark ‘di engaged kay Nicole

Akala namin ay engaged na si Mark Herras sa bago niyang girlfriend na si Nicole Donesa.

May post kasi si Mark kahapon sa IG na naka-pose sila ni Nicole sa malalaking letra na “Mr & Mrs” ang nakasulat.

Tinanong agad namin­ si Mark kung engaged na sila at mabilis naman itong sumagot na hindi raw, setup lang daw ‘yon sa location ng taping nila.

‘Pag binasa mo rin kasi ang swit-switang caption ni Mark sa pic ay iisipin mong baka nag-propose na siya. May kasama pa ‘yung emoji ng eternity, lock at world.

Recently lang kinumpirma nina Mark at Nicole na sila na. 3rd Princess sa Miss World 2014 at Kapuso artist na rin ang 25-anyos na si Nicole, na nakasama ni Mark sa nagtapos na Kapuso seryeng “Bihag­”.

Plano nang pakasalan noon ni Mark ang huli nitong girlfriend na si Winwyn Marquez pero walang nangyaring kasalan at nauwi rin sila ni Wyn sa hiwalayan.