Julia walang kilig ang pagbati kay Coco

tonite-imo-vinia-vivarIsang simpleng pagbati lang ng “happy birthday” ang ipinost ni Julia Montes sa kanyang Instagram kahapon bilang birthday gree­tings kay Coco Martin kasama ang larawan ng aktor.

Disabled ang comments sa IG ni Julia and for sure, kung hindi, inulan na siya ng katakot-takot na kuwestiyon kung bakit ganu’n lang kaikli ang kanyang birthday greetings.

Bilang matagal na niyang kaibigan (huwag na ‘yung magkarelasyon tulad ng natsitsismis) si Coco, fans for sure were expecting na may kaunting pakilig naman or medyo mahaba-haba naman sana ang kanyang pagbati.

Sabagay, eversince naman ay maikli lang mag-post si Julia at walang kung ano-anong palabok. Personalidad niya yata talaga ito. At halos sa lahat ng mga post niya ay disabled ang mga comment.

Samantala, kahapon Nov. 1 ang birthday ni Coco at base sa kanyang official IG account ay isang birthday “salubong” surprise ang ibinigay sa kanya ng mga kasamahan sa FPJ’S Ang Probinsyano on the eve of his birthday.

***

LJ manganganak sa January

Itinuturing ni Paolo Contis na “suwerte”­ ang first baby nila ni LJ Reyes na ipinagbubuntis ngayon ng aktres dahil nga nakuha siyang leading man ni Alessandra de Rossi sa pelikulang Through Night & Day showing on Nov. 14.

“Sabi siguro ng anak ko, ‘mag-ipon ka’,” natatawang sambit ni Paolo.

Sa pelikula ay ginagampanan ni Paolo ang fiancée ni Jen (Alex). Matagal na ang kanilang relasyon at magkakababata rin sila actually.

Parang similar nga rin ito sa kasi nila ni LJ sa totoong buhay na matagal na niyang kaibigan bago sila nagkaroon ng relasyon. Kung paano nga raw sila mag-usap ng aktres in real life, halos ganu’n din sila sa pelikula ni Alex.

“Yes, sandali pa lang naman kami ni LJ, hindi katulad ni Ben (karakter ni Paolo) at Jen na sobrang tagal, pero I think naman, what’s good with me and LJ is that matagal na kaming magkakilala bago naging kami.

“So, bago ko siya ligawan, siguro sa loob-loob ni LJ, ‘wag ako, kilalang-kilala na kita, huwag kang magpa-cute, kilalang-kilala na kita.’ So, since day 1, kami ni LJ, wala nang taguan, wala nang pa-sweet-sweet and everything. We just talk about things straight and I think that’s the magic of our relationship, that’s why it works. Regardless if it’s bad or good, we talk about it,” pahayag ni Paolo.

Sa January manganganak si LJ at sobrang galing nga raw na ngayon busy si Paolo at rest na raw siya siguro sa Enero para maalagaan niya ang kanyang mag-ina. Natutuwa rin siya na ang daming excited para sa kanilang baby girl.

***

Rayver masaya sa paglipat

For sure ay masayang-masaya si Rayver Cruz sa napakagandang reviews and feedbacks ng kanyang first teleserye sa GMA-7 na Asawa Ko, Karibal Ko kung saan ay kasama niya sina Kris Bernal and Thea Tolentino.

In fairness, talagang naipapakita naman talaga ng bagong Kapuso actor ang kanyang kapasidad sa pag-arte sa kanyang pinagbibidahang serye. Sey nga niya sa kanyang recent interview, marami raw siya talagang gustong ipakita sa audience at thankful siya na magagawa niya ito ngayong Kapuso na siya.
Siyempre, sobrang happy rin ng aktor na paglipat niya ay leading man role agad ang ibinigay sa kanya na, aniya, ay hindi nga raw niya ine-expect.

Last week lang nagsimula ang Asawa Ko, Karibal Ko sa afternoon prime ng GMA-7 at pinag-usapan na agad ang pilot week nito pati na ang mataas na ratings ng unang episode.