Julio tsugi sa Asintado

Kamakailan ay nadakip si Julio Diaz pati ang kanyang driver na si Ronald Gomez alyas Ruben ng pulis Meycauayan sa mismong bahay niya sa Brgy. Langka, Meycauyan, Bulacan.

Ito’y dahil sa paggamit at pagbebenta umano ng iligal na droga. Hindi nila napansin na ang katran­saksyon nila na bumili ng P500.00 halaga ng shabu ay isang pulis. Nakapiit ngayon si Julio at ang driver niya sa detention cell ng PNP Meycauayan.

Isa si Julio sa cast ng seryeng Asintado ng ABS-CBN 2, na gumaganap siya rito bilang si Jaime Melchor Gonzales. Nga­yong nakakulong siya, paano na ang character niya sa nasabing serye?

Nag-text kami kay Eric John Salut, ang publicist ng Dreamscape, Entertainment Television, ang television production arm ng ABS-CBN, na siyang producer ng Asintado, para tanungin siya kung ano ang mangyayari sa karak­ter ni Julio sa nasabing serye ngayong nakakulong ito. Ayon sa textback niya sa amin, “His character is meant to die in the series. Kaya lang second week of May pa ang death ng cha­racter niya. Marami kasing pondong scenes ang show on Julio,”

Bago ang Asintado, nag-guest si Julio sa FPJ’S Ang Probinsiyano na pinagbibidahan ni Coco Martin. Balita namin ay P50k per taping ang bayad sa kanya roon. Tumagal din siya sa serye, so kahit paano ay malaki ang naipon niya. Maliban pa sa kinikita niya sa Asintado. Hindi na sana siya natukso sa illegal drugs.