Magbubukas muli ang Philippine Basketball Association (PBA) ngayong araw ng Linggo, subalit hindi para sa pagpapatuloy ng mga nakatakdang komperensiya kund sa pamamagitan ng isang pansamantalang online show para sa misyon nito na mapanatiling konektado sa loyal at marami nitong fans sa kalagitnaan ng COVID-19 pandemic.
Ilulunsad ngayon ng PBA ang digital program nito na “Kumustahan sa PBA,” na parte sa ilang inobasyon na gagawin ng pinakamatagal na propesyonal na basketball na liga sa bansa habang patuloy ang situwasyon nito na indefinite suspension at kung posible pang magpatuloy ang naudlot nitong ika-45 taon.
Ang “Kamustahan sa PBA” ay ipapalabas sa lahat ng social media platforms ng liga.
Ang six-time MVP na si June Mar Fajardo ng San Miguel, Talk ‘N Text’s Poy Erram, Rain or Shine’s Beau Belga, Magnolia’s Marc Pingris at Asi Taulava ng NLEX ang mga unang magiging bisita ng online show na isasaere mismo sa PBA Rush sa Cignal TV sa ganap na alas-8 ng gabi.
Dadalo din si PBA commissioner Willie Marcial sa bagong show na nakatuon sa pagpapanatili sa mga fan ng liga sa kanilang mga bahay habang nakikipagkumustahan sa kaganapan sa PBA habang suspendido ang liga.
“This online show is for our fans to be with their PBA idols once again amid the pandemic and the quarantine. It’s a chance for them to see our league role models after a long time,” sabi lamang ni Marcial.
Isang laro pa lamang ang nagagawa ng liga simula magbukas noong Marso bago lumaganap ang epekto ng COVID-19 sa buong bansa na naging dahilan upang sundin ng PBA ang isinasagawang aksiyon ng gobyenro upang labanan at agad na masugpo ang nakamamatay na sakit.
Dalawang buwan na matapos magbukas ang Philippine Cup subalit hanggang ngayon ay wala pang kalinawan kung kailan muling magbubukas ang liga. Hindi pa rin masiguro kung kailan tuluyang mapuputol ang krisis sa kalusugan.
Habang patuloy na umaasang makakahanap ng vaccine upang tuluyang mapatigil ang krisis, hindi inaalis ng liga na ang pinakamasaklap na sitwasyon na isang komperensiya lamang o tuluyan na nitong kanselahin ang Season 45.
Una nang itinakda ng liga na makapagbukas ng Hunyo 1 subalit base sa ipinapatupad ng pamahalaan ay iniusog nito sa Agosto na siyang pinaka-ultimong pagdedesisyon ng liga. (Lito Oredo)