By Armida Rico

Tumambad sa mga awtoridad ang naaag­nas na labi ng babae na nadiskubre sa bakanteng lote sa loob ng low-rise condominium­ complex sa Brgy. Kasambagan, Cebu.

Nakilala ang biktimang si Josephine Ortega, 39, residente ng Brgy. Pahina San Nicolas, habang ang itinuturong suspek ay ang live-in partner nito na si Crisanto Martinez, 35, maintenance worker, na nabatid na nasa impluwensya umano ng iligal na droga nang gawin ang krimen.

Base sa ulat, nakaa­moy umano ng masangsang ang security guard ng Deca Homes subdivision na nagmumula sa bunk house ng maintenance utility kung kaya’t agad itong ipinagbigay-alam sa pulisya.

Agad namang nagsagawa ng paghuhukay sa lugar ang mga awtoridad at saka lumantad ang katawan ng biktima na hinihinalang ilang araw nang nakabaon, tinabunan ng mga construction material at binalutan pa ng kumot.

Pero iginiit ni Martinez­ na nagpakamatay umano ang kanyang kinakasama bunsod na rin sa palagi nilang pagtatalo ukol sa pagseselos ng suspek.

Idinahilan din ng suspek na labis umano siyang natakot na magsumbong sa pulis kaya nagdesisyon na lamang itong ibaon ang bangkay ng kanyang kinakasama.