Kabaklaan ni BB pinandidirihan

Buong akala nati’y maayos na ang relasyon ni BB Gandanghari sa kanyang pamilya. Pag-asa ng marami ay natanggap na ng kanyang ina at mga kapatid ang tunay niyang kasarian.

Pero hindi pa pala. Si BB Gandanghari mismo ang naglalabas sa kanyang social media account kung gaano siya kalungkot dahil mabuti pa ang ibang tao at tinanggap at minahal siya bilang siya.

Sa mga salitang pinakakawalan ni Robin ay parang wala nang pader sa kanilang pagitan, parang wala nang problema sa paglalantad ng dating si Rustom sa kanyang gender, pero hanggang salita lang naman pala ‘yun.

Napakalungkot na nga ng kanyang buhay sa Amerika ay mas matinding lungkot pa ang nararamdaman ni BB Gandanghari dahil sa kawalan diumano ng suporta ng kanyang pamilya mismo sa sitwasyon niya.

Ano kaya ang ibig sabihin ni BB Gandanghari sa kanyang sinabi na akala niya’y susuportahan siya pero gagamitin lang naman pala?

Ginamit lang ba siya sa publisidad? Para mapag-usapan lang ang kanyang pamilya? Malalim ang pinanggagalingan ni BB Gandanghari.

Nakilala kasing puro brusko ang magkakapatid na Padilla. Nakikipag-upakan sa pelikula, astig ang dating, pagkatapos ay meron pala silang kapatid na bading.

Tama naman ang sentimyento ni BB Gandanghari na mabuti pa nga ang mga taong hindi niya kadugo at minamahal at sinusuportahan siya.

Pero bigo sa kanyang pamilya si BB, kung sino pa ang mga unang-unang inaasahan niyang makaiintindi sa kanyang sitwasyon ang nagkait pa sa kanya ang pang-unawa at pagmamahal, sobrang sakit nga naman nu’n sa kalooban niya.

Nand’yan na ‘yan, nagpakatotoo na si BB Gandanghari sa kanyang tunay na kasarian at maligaya na siya sa kanyang katayuan ngayon, hindi pa rin ba matatanggap ‘yun ng kanyang pamilya?

Kesa naman sa habambuhay siyang magpanggap na lalaking-lalaki siya, pero lalaki rin naman pala ang kanyang hanap, napakahirap nu’n para sa kanya.

Magugutom ba ang kanyang pamilya kung tatanggapin ng mga ito ang katotohanan tungkol sa kanyang gender?

Mababahiran ba ang kanilang pangalan dahil sa kanilang kapatid na nagpakatotoo lang naman? Sa kanilang pamilya lang ba nangyayari ang ganito?

Kung tunay na kaligayahan naman para kay BB Gandanghari ang makakapalit ng kanilang pang-unawa at pagtanggap ay ibigay na sana nila ngayon ang inaasam-asam ng kanilang kapatid.

Hindi sakit na nakahahawa na tulad ng coronavirus ang pagiging gay. Hindi ‘yun dapat pandirihan. Ang bakla ay ipinanganganak na bakla at mamamatay na bakla.

Temporary divorce uso sa COVID-19

“Temporary divorce” ang tawag ng mga banyaga sa self-quarantine. Sila ang nagmamahalang hindi muna puwedeng magtabi at magkaroon ng komunikasyon dahil sa COVID-19.

Mga anak na nagdarasal para sa kaligtasan ng kanilang mga magulang, mga doktor na hindi muna umuwi para hindi malagay sa alanganin ang buhay ng kanilang pamilya, napakasakit pero kailangang gawin.

Nakapanglulumong pagmasdan ngayon ang Central Park sa New York, ang dating dinadayong siyudad, tahimik na tahimik.

Napakalawak talaga ng negatibong hatid sa buong mundo ng corona virus. Parang ghost town ang mga lugar na dati’y pinapangarap mapuntahan, ang Eiffel Tower ay parang giraffe lang na mag-isang nakatayo, walang mga turistang naglipana sa paligid.

Sana nga ay may madiskubre nang gamot para sa salot na ito. Nakakapag-alala ang sinasabi ng mga siyentipiko na mga dalawang taon pa bago magkaroon ng bakunang lilipol sa mikrobyo.

Taimtim na dasal pa rin ang kailangan, wala nang mas bibisa pa kesa sa isang kumpas ng Panginoon na tapusin na ang paghihirap na ito sa mundo, wala na.