Kabataan, lumahok sa SK elections!

Ginhawa ng Bayan ni JV Ejercito

Itinuturing nating sobrang mahalaga ang botohan para sa Sangguniang Kabataan o SK sa darating na Mayo 14.

Ito ay sa kadahila­nang ito ang unang halalan sa ilalim ng Republic Act 10742, o mas kilala sa tawag na ‘SK Reform Law’, na isa tayo sa mga nag-akda.

Ikalawa, ang May 14 SK elections nga­yong taon ay magaganap matapos ang dalawang beses na pagpapaliban sa Oktubre 2016 schedule dahil masyado itong malapit sa May 2016 presidential elections, at ang Oktubre, 2017 schedule dahil sa hinalang bubuhos ang drug money sa barangay elections na kasabay ng SK elections.

Kasama tayong nagsulong ng SK Reform Law upang iahon ang sumadsad na imahe ng SK dahil pinukol ito ng paratang na ito’y tiwali, walang alam ang mga kabataan, at ginagamit daw sa masamang gawain ng mga nakatatandang politiko.

Pero sa SK Reform Law, kung maipatutupad nang maayos, sigurado tayo na mawawala na ang mga ganitong negatibong pananaw at sa halip ay lulutang ang angking kakayahan ng mga kabataan sa paglilingkod.

Una, ang kuwalipikadong kumandidato ngayon sa SK ay 18-24 years old. Ibig sabihin ‘hinog’ na o may sarili nang pag-iisip ang mga ito na hindi katulad ng dati na ‘totoy’ at ‘nene’ ang mga tumatakbo dahil ang kandidato ay 15-anyos at iyung mga wala pang 18-anyos sa araw mismo ng halalan.

At ang ipinagmamalaki natin sa batas na ito ay ang anti-dynasty provision kung saan bawal tumakbo o ma-appoint sa anumang posisyon sa SK ang may mga incumbent elected official na kamag-anak ‘on second degree of consanguinity and affinity’, tulad ng magulang, lolo at lola, apo, asawa, kapatid, bi­yenan, grandparents-in-law, bayaw, hipag, at grandchildren-in-law.

Ito ang dalawa sa mga dahilan kung bakit natin sinuportahan nang husto ang batas.

Ito na sigurong SK Reform Law ang tamang gabay at ang halalan sa Mayo ang tamang panahon upang patunayan ng mga kabataan na mahalaga ang kanilang boses at kailangan ang kanilang partisipasyon sa mga pagkilos para makamit ang kaginhawaan para sa lahat.

Hindi monopolyo ng mga nakatatanda ang hangaring maglingkod o ang magagandang ideya tungo sa pangkalaha­tang kaunlaran dahil may ganito ring damdamin, kaisipan, at kakayahan ang mga kabataan.

Kaya ang payo ko sa mga kabataan ay masigasig na lumahok sa SK eleksiyon na darating sa ilalim ng bagong SK Reform Law.

At ang lagi nating sinasabi bilang pagkilala at paniniwala sa kakayahan ng mga kabataan ay: “Kabataan, kayo ay maaasahan!”