Hindi makumbinsi si Magdalo party-list Rep. Gary Alejano na lahat ng mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na umookupa sa housing units ng mga sundalo at pulis sa Pandi, Bulacan ay mahihirap.

Base umano sa naobserbahan ni Alejano nang masagawa ang mga ito ng inspeksyon sa mga housing unit na inokupahan ng Kadamay members, may mga magagandang kagamitan ang mga mi­yembro sa loob ng kanilang inokupahang bahay.

“Sa aming pag-ikot, napansin namin na may isang unit na nakitaan namin ng flat screen TV, ang iba ay may panabong na manok, at kotseng naka-park malapit sa bahay,” ani Alejano.

Ang mga nagra-rally­ naman, aniya, na pawang mga miyembro ng Kada­may ay naka-touch screen cellphones na ginamit umano nila habang sila ay nag-iikot kasama sina House committee on housing and urban development chairman Albee Benitez at Sen. JV Ejercito kamakalawa.

“Gabi-gabi daw ay parang may party sa loob ng housing projects. May malalakas na sound system at nagbo-bonfire ang mga miyembro ng KA­DAMAY,” ayon pa kay Alejano.

“Natatanong tuloy ng iba kung saan sila kumukuha ng pambayad sa mga sound systems,” dagdag pa ng kongresista at nabubulabog na rin umano ang mga non-­Kadamay home­owners.

Samantala, naghain din ng resolusyon si Alejano para magsagawa ang Kongreso ng imbestigasyon at alamin kung tugma ba ang ginastos sa mga unit na ipinatayo dahil sa klase ng mga materyales na ginamit.

Sa House Resolution 7 na inakda ni Alejano, hindi pumasa sa panlasa nito ang umano’y substandard na housing unit na itinayo para sa mga sundalo at pulis at hindi ito makatarungan sa mga alagad ng batas.

One Response