Dear Kuya Rom,
Itago mo ako sa pangalang Hector. Ang best friend ko ay may bagong girlfriend. Sinabi niya sa akin na ito ang babaeng makakasama niya habang buhay. Ako daw ang magiging best man sa kasal nila.
Nagmamalaking pinakita niya sa akin ang picture ng girlfriend niya. May sampung taon ko nang kilala ang babae. Pero hindi ko ito sinabi sa kanya.
Matagal na hindi ko nakita ang babaeng ito. Pero may alam ako tungkol sa kanya, kasi mga kaibigan ko ang mga kaibigan niya. May kuwentong hindi siya mapagkakatiwalaan, mga laruan lang niya ang mga lalaki, iba-iba ang nakakarelasyon niya, patagong gumagamit siya ng droga, at may ugaling hindi maganda.
Ang bestfriend ko ay mabuting tao. Ayaw ko siyang maging biktima ng babaeng ito, at baka siya masaktan. Nag-aalala ako sa kanya. Nakikita kong in-love na in-love siya pagka’t talagang maganda ang babae.
Sasabihin ko ba sa bestfriend ko ang alam ko o manahimik lang ako? — Hector
Dear Hector,
Kung sabi-sabi ng mga tao ang napakinggan mo tungkol sa babaeng ito at walang matibay na ebidensiya, mabuting manahimik ka na lamang. Kung sasabihin mo sa bestfriend mo ang alam mo, may posibilidad na hindi totoo ito, masasaktan mo ang damdamin ng ibang tao at maaaring masira ang inyong pagkakaibigan.
Kahit totoo ang mga bagay na napakinggan mo, marami ang posibleng mangyari sa loob ng sampung taon. Maaaring nagbago na ang babae.
Kausapin mo ang bestfriend mo. Ipakita mo sa kanya ang malasakit. Sabihin mo sa kanya na hindi biro ang pag-aasawa, maraming mag-asawa ang hindi nagtatagal at naghihiwalay.
Ang nais mo lamang ay kabutihan at kaligayahan niya.
Tanungin mo siya ng walang halong panghuhusga. Hindi niya kailangang sagutin ka. Ang gusto mo lamang ay tulungan siyang makapag-isip.
Lubos ba niyang kilala ang pagkatao at karakter ng babaeng ito? Sigurado ba siya na makakasundo niya ito habang buhay? Magkasundo ba sila sa maraming bagay? Ano ang mga bagay na gusto niya sa babaeng ito? Bukod sa pagmamahal nila sa isa’t isa, ano ang maliwanag na basehan kung bakit niya pakakasalan ang babaeng ito?
Bigyan mo siya ng isang prinsipyong pag-iisipan: Mas mahalaga ang kagandahan ng karakter na nananatili kaysa kagandahang pisikal na naglalaho.
Iwanan mo siya ng isang talatang mangungusap sa kanya: “Ang pagiging kaakit-akit ay makapandaraya at ang kagandahan ay kumukupas. Pero ang babaeng may takot sa Panginoon ay dapat purihin.” (Kawikaan 31:30)
Ang babaeng may takot sa Diyos ay magiging tapat na asawa, kagalang-galang, hindi mapanira sa kapwa, marunong magpigil sa sarili, at maaasahan sa lahat ng bagay. (1 Timoteo 3:11) God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom