Kagawad ‘di binentahan ng alak, nagwala

Binitbit sa Manila Police District-Police Station 10, ang dalawang lalaki, kabilang ang isang barangay kagawad matapos na magwala nang hindi pagbilhan ng alak, sa Paco, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Kulong sina Wilfredo Rivera, 57, balo, kagawad sa Brgy. 819 Paco at Rodolfo Eloriaga Jr., 52, ng Interior Bo. Sta. Maria na lango diumano sa alak.

Inaresto ang dalawa dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa may Barrio Sta. Maria Street nang abutan ng mga pulis na nagsisigawan sa isa’t isa at lumilikha ng gulo sa lugar.

Sa kabila ng pag-awat ng mga pulis, nagpatuloy ang dalawa kaya tuluyan silang inaresto ng mga pulis.

Nalaman na nakunan ng cellphone video ang ginawang pangha-harass ng naturang kagawad sa isang may-ari ng sari-sari store nang tanggihan siyang pagbilhan ng alak.

Sinampahan ang dalawang inaresto ng patong-patong na kaso kabilang ang paglabag sa RA 11469 o Bayanihan to Heal as One Act at Executive Order sa Liquor Ban sa Manila Prosecutors Office. (Juliet de Loza-Cudia)