Binistay ng bala ang isang Barangay Kagawad ng apat na hindi pa nakikilalang salarin sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Randy Ilagan, may-asawa, na nakatira sa No. 37, Kilometer 16, Ortigas Ave. Ext., Brgy. Sta. Lucia, Pasig City sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Sa imbestigasyon ni PO3 Higino Dancel ng Pasig City Police, alas-6:15 ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa M. Eusebio Street, Brgy. San Miguel, Pasig City habang minamaneho ng biktima ang kanyang kulay puting Mitsubishi Montero na may plakang ASA 8591 patungo ng Manggahan Floodway nang tambangan ng apat na suspek na sakay ng dalawang motorsiklo na walang plaka.

Agad na nasawi ang biktima sa nasabing lugar.

Hindi pa tukoy ng pulisya ang motibo ng krimen at nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon kung may kinalaman sa droga ang naganap na pananambang at pagpatay sa biktima.