Isang barangay kagawad ang nasawi nang aksidenteng mabaril ang sarili habang naglilinis ng kanyang baril kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Hindi na umabot nang buhay sa Uni-health hospital ang biktimang si John Aragon, 49, kagawad ng Barangay 169, Zone 69 ng Pasay at nakatira sa no.0012 LT. Santa Veronica, San Antonio Valley 1, Brgy. San Antonio, Parañaque City, nagtamo ito ng tama ng bala sa dibdib buhat sa kalibre .45 baril.
Ayon sa report na nakarating sa tanggapan ni Senior Supt. Jose Carumba, hepe ng Parañaque City Police, base sa nakalap na impormasyon mula sa mga kaanak nito, naganap ang insidente alas-11:55 ng umaga sa loob ng tinitirhan ng biktima sa naturang lugar.
Habang naglilinis umano ng baril na kalibre .45 ang biktima ay nakarinig ng putok ang misis nitong si Maria Elena nasa hustong gulang.
Kaagad itong pinuntahan ng ginang at dito na tumambad ang duguang mister.
Agad namang humingi ng tulong ang ginang upang isugod sa pagamutan ang biktima at mabilis itong isinugod sa nasabing pagamutan subalit hindi na ito umabot nang buhay.
Sa teorya ng pulisya, posibleng habang nililinis ng biktima ang kanyang baril ay aksidente nitong nakalabit ang gatilyo na tumama sa kanyang dibdib.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang kalibre .45 baril at mga bala nito, baby oil at mga gamit na panlinis ng baril.