Kagawad sa Nueva Ecija itinumba sa droga

RIZAL, Nueva Ecija — Mga dating atraso at kaugnayan rin sa iligal na droga ang ilang anggulong sinisilip na motibo sa pagpatay sa barangay kagawad habang patungo sa isang botika noong Miyerkules ng gabi sa Bgy. Poblacion Sur sa ba­yang ito.

Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni Mayor Lito Andres nakilala ang biktima na si Kagawad Armin Sansano Gabriel, 48, ng Bgy. Ganduz, Pantabangan na nagtamo ng tama sa dibdib at namatay noon din.

Dakong alas-7:20 ng gabi naglalakad palapit sa City Drug-Botica Generica Drug store si Kagawad Gabriel ng salubungin ng salarin na nakasuot ng kulay itim na jacket at helmet at kabababa lang sa motorsiklong walang plaka.

Mabilis na tumakas ang salarin pagkaraan ng pamamaslang.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Rizal Police sa Pantabangan Police upang makakuha ng karagdagang impormasyon ukol sa mga motibo ng pagpatay.

Dati nang napaulat na biktima na rin ng pa­nanambang si Gabriel noong Setyembre 2015 sa kanilang bayan at nakaligtas ito.