Isang barangay kagawad ang nireklamo ng isang reporter sa Zambales dahil diumano sa panghaharas.
Kinumpirma ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang reklamo ni Philippine Daily Inquirer correspondent Joanna Rose Aglibot kay Brgy. San Miguel, San Antonio kagawad Siegfred Gonzales na hinaras umano siya at kanyang pamilya noong May 26.
Sa ulat, nasa hardin umano ng kanilang bahay ang nanay ni Aglibot, alas-10:00 ng gabi nang ilawan ito ng flashlight ni Gonzales kaya kumuha ng video sa pangyayari ang reporter.
Sa bidyo na mula kay Aglibot, makikitang tinututukan ni Gonzales ng flashlight ang nagbibidyo habang sumisigaw ng “Dayta anak yo nga reporter, sige tumawag ka ti pulis” (‘Yang anak mong reporter, sige tumawag ka ng pulis).
Sinubukan patigilin ng tatay ni Aglibot si Gonzales na sinamahan na ng kanyang ina na pinagsisigawan at ininsulto ang pamilya ni Aglibot.
Nireklamo ni Aglibot sa Department of the Interior and Local Government laban sa aroganteng kagawad.
Nagsimula umano ang harassment kay Aglibot matapos niyang iulat ang pagbibigay ng bulok na bigas sa mga residente sa barangay. (Randy Datu)