Kahanga-hangang tanod

Nag-trending sa social media ang kuwento ni Janryl Tan, ang 23-anyos na tanod ng Bgy. Kalubihan, Cebu City.

Marso 20 nang magmartsa siya sa commencement exer­cise ng University of Cebu bilang cum laude ng 5-year course na Bachelor of Science in Civil Engineering.

Hindi lang pamilya at mga kaibigan ang nabalot ng saya sa tagumpay na ito ni Janryl. Sobra-sobra rin ang pagmamalaki ng mga opisyal at kapwa tanod ni Janryl sa Bgy. Kalubihan.

Talaga naman kasing nakaka-inspire ang kuwento ng batang tanod. Mahigit apat na taon na pala siyang nagtatrabaho sa barangay simula pa noong 2015.
Nag-aaral sa umaga at nagtatanod sa gabi. Kinuha pa ito ng barangay bilang CCTV camera operator dahil sa technical knowledge nito.
Bukod pa rito, nahalal pa pala bilang tresurero ng Sangguniang Kabataan si Janryl.

Lahat daw ng kita nito sa mga trabahong ito ay ibinuhos ng batang tanod sa pag-aaral.

Bilang tulong ng kapitan at mga kasama, pinatira siya nang libre sa isang kuwarto sa barangay hall. Mahirap lang daw kasi ang pamilya Tan na nakaranas din na matulog sa kalsada dahil sa kawalan ng permanenteng tirahan.

Isang napakagandang inspirasyon ng buhay ni Janryl sa mga kabataan. Napagtagumpayan niya na makatapos sa pag-aaral sa sariling pagsisikap sa gitna ng matin­ding kahirapan.

Sikap. Husay sa trabaho. Determinasyong makapagtapos. ‘Yan ang puhunan ni Janryl Tan.

Mabuhay ka, batang tanod na ngayon ay tapos na bilang civil engineer! Salamat sa inspirasyon!