Balitaktakan ngayon ang mga mambabatas mula sa Senado at ­Kamara kung sa papaanong paraan isasagawa ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno.

Lumulutang ang Constitutional Assembly (Con-Ass) at Cons­titutional Convention (Con-Con).

Kanya-kanyang salagan at depensa ang mga nagsusulong ng Con-Ass at Con-Con kaya naman nakabitin pa kung sa papaanong paraan talaga ipatutupad ang Charter Change (ChaCha).

Sa ganang amin, anuman ang manaig sa dalawa –Con-Ass man ‘yan o Con-Con ang mahalaga ay ang kapakanan ng sambayang Filipino ang titingnan at hindi ang mga interes ng pulitiko.

Pero kung walang katiyakang hindi aabuso ang mga pulitikong magiging bahagi ng gagawing Con-Ass kagaya ng isinusulong ng gobyernong Duterte ay mas mabuting idaan na sa Con-Con ang pro­seso upang mayroon talagang representasyon ang taumbayan at hindi ng iilang mga pulitiko lamang na karamihan ay may mga personal na interes na inilalaban.

Para sa amin, napaka­halaga ng hakbanging ito kaya hindi dapat tini­tipid. Abutin man ito ng kung ilang bilyon ay hindi dapat ito pinanghihinayangan dahil pangmatagalan ang hatid na pakinabang ng gagawing amyenda sa ating Saligang Batas.

Subalit kung masisiguro ng mga mangangasiwa ng Con-Ass na walang pag-abusong mangyayari, sumige tutal ay naka­bantay naman ang taumbayan sakaling may pagsasamantalang mapatunayan pabor sa inyong personal na interes sa gaga­wing amyenda.