Tiniyak kahapon ni Justice Secretary Me­nardo Guevarra na walang sasantuhin kahit na ex-general sa ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na malalimang imbestigasyon sa korap­syon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Kinumpirma ni Guevarra na bilyon-bilyong pisong halaga ang nadale sa kurakutan sa PCSO at magsasagawa ng malalimang pagsisiyasat ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kalagayang pinansiyal ng PCSO.

“I would suppose this may go all the way five years back or at the very least, since 2016 or the time that this administration took over,” ani Guevarra.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na dumiretso sa bulsa ng mga matataas na opisyal ng PCSO ang napakalaking halaga na dapat sana ay napunta sa kita ng ahensiya.

Aniya, ito ang nagtulak kay Pangulong Duterte para ipatigil pansamantala ang operasyon ng lotto, small time lottery, keno at Peryahan ng Bayan.

Ayon kay Panelo, isinumbong sa Pangulo ang ‘plunderous transactions’ sa PCSO kung saan mas malaki pa ang kinikita ng mga sangkot sa katiwalian at barya lamang ang ibinibigay sa ahensiya.

Gayunman, tumanggi si Panelo na tukuyin ang eksaktong halaga ng nakulimbat sa PCSO dahil iaanunsiyo rin ito ng Pangulo sa mga susunod na araw.

“Napakalaki, ang pagkasabi sa akin ni Presidente, mas malaki pa ang kinikita ng mga involved sa corruption sa gobyerno,” ani Panelo.
“Obviously, alangan namang i-donate nila sa kawanggawa, siyempre sa bulsa nila,” dagdag pa ni Panelo. (Aileen Taliping)