Kahit gurang, Daniels may ibubuga

Si Chris Daniels ng Alask­a ang pinaka-senior sa batch ng imports na paparada sa PBA Commissioner’s Cup ngayong taon.

Makakaliskisan si Daniels kontra Columbian Dyip sa night cap ng opening day double-header sa MOA Arena.

Sa edad 35, may ilang kampeonato nang nasa resume ni Daniels.

Dalawang beses siyang nag-champion sa Korean Basketball League nang giyahan ang Jeonju KCC Egis noong 2011, bumalik ng sumunod na taon para banderahan naman ang Anyang KGC.

Pinakahuling titulo niya overseas ang sinikwat sa Lebanon noong 2016 bilang import ng Al Riyadi.

Miyembro rin si Da-niels ng Rio Grande Valley Vipers na nangibabaw sa NBA G-League noong 2013 nang mag-average siya ng 13.2 points, 6.6 rebounds at 1.5 assists.

Tulad ni Daniels, bagong mukha sa PBA pero hindi na sa Asian brand ng basketball ang reinforcement ng Columbian na si Kyle Ba-rone, 29-anyos, na nakapag-laro na sa ASEAN Basketball League bilang import ng Saigon Heat.

Sa taas na 6-foot-8, kilala ang produkto ng University of Idaho sa kanyang inside scoring at rebounding. Nagsumite siya ng 21.1 points, 13.0 rebounds, 1.7 assists at 1.3 blocks sa stint sa ABL.

Pupunan ni Barone ang butas sa gitna ng Dyip na minanduhan nina Russell Escoto, Jackson Corpuz at veteran JayR Reyes nitong Philippine Cup.

Sa pangunguna ni top rookie CJ Perez, naglista ng 4-7 card ang Columbian pero napagsarhan sa playoffs. (Vladi Eduart­e)