Kahit konting romansa

Payong Kapatid Kuya Rom

Dear Kuya Rom,

Ikinasal kami last year. Isang taon na kaming nagsasama. May trabaho ako, at nagsimula siyang magnegosyo. May alam ako sa advertising, kaya tinutulungan ko siyang makilala ng mga tao ang sinimulan niyang negosyo.

Sa bahay, halos ako ang gumagawa sa lahat. Paggaling sa trabaho, magluluto, maglalaba, maglilinis at iba pa.

Abala siya sa negosyo at alas-10:00 na ng gabi siya umuuwi, pagod, at nakababad sa telepono hanggang hatinggabi. Ito ang pinag-aawayan namin minsan sa isang buwan. Naiirita ako, kasi nauubos ang oras niya sa ibang bagay at ibang tao, at wala na siyang oras para sa akin.

Puwede na man siyang umuwi ng maaga, pero ang sabi niya, may dinner meeting siya. Alam kong hindi kasama sa negosyo ito. Ang totoo, nakikipag-inuman siya, kasama ang kanyang barkada.

Isinisingit na lang niya ako sa mga ilang sandaling libre siya. Para sa kanya, sapat na oras na iyon para sa akin.

Ang gusto ko lang ay sana makatabi siya sa oras ng pamamahinga namin habang nanonood ng TV at kumakain ng pizza at magkaroon ng kahit konting romansa bago matulog. Pero hindi niya nagagawa.

Mapaghanap ba ako? Ang hangad ko lang ay dalawang oras sa piling niya araw-araw. Pero frustrated ako. Mahirap bang bigyan ng atensiyon ang sarili mong asawa?

Baliw ba ako sa pagnanasang araw-araw na makapiling at makasiping siya ng ilang oras, lalo na sa gabi? Sana, kuya, payuhan mo ako. Thanks a lot and more power!

Lily

Dear Lily,

Hindi ka baliw at hindi rin siya baliw. Pero ang pag-aaway ninyo sa oras ng pamamahinga at pagsisiping ay isang babala na nagsasabing kung hindi kayo aayos, magugusot ang inyong relasyong mag-asawa.

Kailangang lawakan ninyo ang inyong pang-unawa. Ang pagiging sobrang abala niya sa negosyo ay ibilang mo na pagsisikap niya upang umasenso ang buhay ninyo. Pasalamatan mo siya sa kanyang kasipagan. Pero ang kawalan ng oras niya para tabihan at samahan kang kumain ng pizza ay hindi kasipagan, at maaaring sisira sa inyong kaligayahan.

Nasasaktan ka sa hindi niya pagbibigay ng oras sa iyo, at lalong nagdurugo ang iyong puso sa pagdaan ng mga araw. Kailangang huminto ang pagsugat sa puso mo at posibleng gawin ito ng mister mo. Ang kailangan ay kahabagan, na dapat niyang matutunan.

Tinutulungan mo siya sa negosyo. Mabuting tulungan ka naman niya sa iyong emosyonal na pangangailangan. Manalangin kang gabayan kayo ng Dios na magkaroon ng oras para sa isa’t isa at malasap ang maligayang pagsasama. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom