Sa kabila ng mga nakalatag na quarantine checkpoint, nakalusot pa umano ang anim na kalalakihan na sakay ng tatlong motorsiklo matapos ang pamamaril sa 46-anyos na lalaki sa Quezon City, Huwebes ng gabi.

Ang biktima na nakilalang si Michael Asto Lopez, may asawa at residente ng No. 36D Saint Anthony St., Nawasa Line, Brgy. Holy Spirit ng nasabing lungsod, ay namatay noon din sanhi ng tinamong mga tama ng ‘di pa batid na kalibre ng baril sa katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. Rhic Roldap L. Pittong ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang insidente ay naganap dakong alas-6:30 ng gabi sa Saint Anthony St., corner Saint Louie St., Nawasa Line, Brgy. Holy Spirit

Batay sa pahayag ng anak ng biktima, nasa loob siya ng computer shop nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.

Agad umano siyang lumabas sa computer shop at doon ay tumambad sa kaniya ang duguang katawan ng kaniyang tatay habang papatakas ang anim na suspek na pawang nakasuot ng helmet at facemask at magkaka-angkas sa tatlong motorsiklo na walang plaka.

Isa sa nakaangkas na suspek ang bumaba pa sa motorsiklo at tinangay ang kulay itim na Yamaha Mio I 125 na may temporary plate.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team sa pamumuno ni PMaj. Joseph Infante ang (9) fired catridge at limang basyo ng bala ng di-pa batid na kalibre ng baril.

Masusi namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa naganap na krimen. (Dolly Cabreza)