Marami sa atin ang may paborito sa bulaklak na rosas. Hindi lamang ito isang kaakit-akit na bulaklak kundi may pakinabang din ito para sa ating kalusugan. May iba’t ibang kulay ang rosas at ang mga sumusunod ay ang kahulugan ng mga kulay na ito.
PULANG ROSAS – Ang pulang rosas na yata ang may pinakamaraming nagkakagusto. Sobrang attractive kasing tingnan ang kombinasyon ng magandang kulay na pula sa magandang bulaklak na tulad ng rosas. Ito ang tradisyonal na simbolo ng pag-ibig at romansa. Inirerepresenta nito ang kagandahan at pagiging perpekto. Kung may pagka-dark naman ang red ang ibig sabihin nito ay natatagong ganda.
PUTING ROSAS – Ang puting rosas naman ay nangangahulugan ng puro at malinis na intensyon. Isinisimbolo rin nito ang kainosentehan. Kaya ang puting rosas ay madalas gamitin sa mga kasal bilang simbolo ng malinis na pakikipag-isang dibdib. Malinis na ibibigay ng babae ang kanyang sarili sa lalaking mapapangasawa at malinis na intensyon naman ng lalaki sa babaeng kanyang piniling pakasalan.
PINK NA ROSAS – Ang kulay rosas na rosas naman ay sumisimbolo ng paghanga, paglalambing, pag-aalala at kasiyahan. Kaya ang mga tao na sweet at thoughtful ay pinipili ang kulay rosas na rosas.
DILAW NA ROSAS – Masayahin ang kulay na dilaw. Kapag binigyan ka ng isang kaibigan o sinumang malapit sa’yong puso ng kulay dilaw na rosas, ang ibig sabihin nito ay buong puso siyang nagpapasalamat na naging bahagi ka ng kanyang buhay o gusto ka niyang maging bahagi ng kanyang buhay.
BERDENG ROSAS – Ang berdeng rosas ay sumisimbolo naman ng masaganang pamumuhay at pagsisikap sa pagtupad ng mga pangarap. Kapag binigyan ka nito ng isang tao, ibig sabihin ay hinahangad niya ang iyong tagumpay sa buhay.
ASUL NA ROSAS – Ang asul na rosas naman ay nangangahulugan ng kalungkutan. Isang malalim na emosyon na maaaring nakatago sa puso ng isang tao. Kapag ang isang tao ay mahilig sa rosas na kulay asul, may bahagi ng pagkatao niya ang nakakadama ng isang hindi maipaliwanag na kalungkutan.