Hindi pa hinog si Kai Sotto sa big stage, ayon sa isang draft expert.
May mga napabilib sa stint ng 7-foot-2 Pinoy teenager sa 6th Basketball Without Borders (BWB) global camp 2020 na isinabay sa 69th NBA All-Star Weekend 2020 sa Chicago, pero mukhang may kulang pa sa kanyang abilidad.
Kasama niya roon ang 63 iba pang high school standout mula sa 34 na bansa.
Si Jonathan Givony ng ESPN, nalabnawan sa performance ni Kai.
Mainam aniya ang pinakita ng 17-anyos na si Sotto sa drill pero nawawala sa mismong laro.
“His performance at the BWB camp was somewhat inconsistent, as he looked like one of the most talented prospects in attendance in the morning drills each day but struggled to make his presence felt in the games,” ani Givony sa kanyang recap ng BWB.
Pinuri rin ni Givony ang galaw ni Sotto sa post na kayang umatake kaliwa’t kanan, mahusay ang ball handling, court vision at may jumper hanggang labas ng arc.
Pinunto ni Givony na marami ang nakapuna kay Sotto sa mga stint niya sa FIBA World Cup Under-17 at U19.
Bata pa si Kai, mahaba pa ang pagkakataon para mag-improve. Sa pinapakita niyang work ethic at dedikasyon, makukuha niya ito. Sigurado, mapapangatawanan niya ang pagiging future ng Philippine basketball. (Vladi Eduarte)