MATINDING TRAINING

Magpapalakas ng katawan si Kai Sotto sa pagtungo sa Atlanta, Georgia sa Lunes upang maging handa sa paglalaro sa pambansang koponan at maabot ang pangarap na makapaglaro sa NBA.

Sinabi mismo ng ama ni Kai na si dating PBA player Ervin Sotto, na nagdesisyon sila na isabak muna sa dalawang buwang matinding pagsasanay ng anak upang mapalakas nito ang buong katawan para maging kompetitibo sa mga makakaharap sa internasyonal na torneo.

“Sa ngayon kasi, kailangan talaga ni Kai na palakasin ang mga bahagi ng katawan niya para makasabay doon sa mga mas malalakas niya ng kalaban,” sabi ng ama.

“Mahirap ang naging desisyon namin, talagang lahat kinausap ko bago kami nagdesisyon,” hirit ng nakatatatandang Sotto Martes ng hapon.

Ipinaliwanag din ni Sotto na nakatakda pa ring maglaro sa Under 19 FIBA Championship ang anak bago muling magbalik sa Amerika upang ipagpatuloy ang pagpapalaki ng katawan.

Pero wala naman plano ang kampo ni Sotto na maglaro sa US NCAA sa pagpunta nito sa America dahil sa pagkuha nito o pagpirma sa isang agent na maaring magdala sa kanya sa isa sa tatlong team sa Spain o isa sa Germany.

“This is a difficult journey for Kai. This separate the boys from the man. It is big sacrifice but it is a step to break the barrier of having a Filipino in the NBA,” sabi naman ni Chooks to Go president Roland Mascarinas na nag-host ng dinner sa mag-ama.(Lito Oredo)