Kai, Scottie, Greg, 17 pa sa team PH pool galingan n’yo!

KUMPLETO na ang 20-man pool ni coach Yeng Guiao na pagkukunan ng final lineup na isasabak sa susunod na window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Wala sa listahan si natura­lized Andray Blatche, gayundin si Terrence Romeo.

May mga bagong dagdag si Guiao, may galing sa dating Gilas at ilan mula sa team na nag-fourth sa Indonesian Asiad at sa huling window ng FIBA WCAQ.

Kasama sa pool sina Jayson Castro, Paul Lee, Alex Cabagnot, Matthew Wright, Marcio Lassiter, LA Tenorio, Scottie Thompson, Gabe Norwood, Troy Rosario, Arwind Santos, Japeth Aguilar, Greg Slaughter, June Mar Fajardo, Beau Belga, Poy Erram, Ian Sangalang, Stanley Pringle, Christian Standhardinger, at sina amateurs Ricci Rivero at high school giant Kai Sotto.

Binigyan ng PBA ng laya si Guiao na pumili ng kahit sinong gusto niyang isama sa pool.

“I would like to thank the SBP (Samahang Basketbol ng Pilipinas) for the unconditional support they have given us,” ani Guiao sa press conference sa Smart Araneta Coliseum kahapon.

Kasama ng national coach sina PBA Commissioner Willie Marcial at mga miyembro ng Board. “Next week, we will start practice,” dagdag ng coach.

Suspendido pa ng FIBA si Blatche dahil sa pagkakasangkot sa Pilipinas-Australia brawl, sa laro kontra Iran pa sa Dec. 4 posibleng makalaro, kaya hindi na isinama ni Guiao.

Sa Nov. 30 ay iho-host ng Filipinos ang Kazakhstan. Parehong sa MOA Arena ang laro kontra Kazakhs at Iranians.

Mamimili si Guiao kina Pringle at Standhardinger ang pagpipilian kung sino ang gagamitin bilang naturalized player sa susunod na window.