Nanguna si 7-foot-1 Kai Sotto ng Ateneo de Manila sa early MVP race ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 81 juniors basketball.
Sa pagtatapos ng unang round ng torneo, nakuha ng Gilas Pilipinas 20-man pool member ang 93.3 statistical points (SPs) sa loob ng pitong laro.
Napakalayo ng agwat ng maaring pinakamahigpit niyang makatapat na rookie ng University of Sto. Tomas na si Mark Nonoy na rumehistro lamang ng 70.9 SPs.
Pinintahan din ng 16-year old center na si Sotto ang kanyang 25.3 points, 12.7 rebounds at 3.3 blocks na first round performance at natulungan din nito ang Blue Eaglets na madagit ang ikalawang puwesto kasosyo ang Far Eastern University (FEU) – Diliman at Adamson High School na may 5-2 na baraha.
Samantala, si Nonoy naman ay pumoste ng 18.3 points, 9.1 rebounds, 5.7 assists at 1.7 steals at inangat nito ang Tiger Cubs sa ikalimang puwesto hawak ang 3-4 na karta.
Nasa ikatlong puwesto naman si Forthsky Padrigao ng Ateneo na may 70 SPs pero hindi pa rin ito sigurado dahil isang beses lang ito naglaro ngayong season dahil sa appendicitis at nasa ikaapat na puwesto na si RJ Abbarientos na may 62.6 SPs at panglima si Adrian Manlapaz ng Adamson, 60.2 SPs.