Kai, Thirdy papalit kina JMF, Kiefer sa Gilas

Sina Kai Sotto at Thirdy Ravena ang nakikita nina Gilas Pilipinas veterans June Mar Fajardo at Poy Erram na susunod na pinakamahalagang piyesa ng national men’s basketball team.

Guests ang dalawang big sa PBA Kamustahan online show ng liga noong Miyerkoles.

“Si Kai, nandu’n,” paniniguro ni Fajardo.

Mula 2013 nanilbihan na sa National squad si 30-year-old at 6-foot-10 Fajardo, sa mga susunod na taon ay ipapasa na niya ang baton kay 7-foot-2 Kai bilang lehitimong big man.

“Sobrang ganda ng training ni Kai ngayon. Baka ako pa turuan nu’n,” dagdag ng nag-iisang six-time MVP ng PBA sa 18-anyos.

Noong isang araw kinumpirma ni Sotto na sa halip mag-college didiretso na siya sa NBA G League, may limang buwan, P10M kontrata.

Para kay Asi Taulava, balang-araw ay susundan ni Thirdy ang nakatatandang kapatid na si Kiefer sa Gilas.

“He’s coming in,” ani Taulava, 47. “Thirdy and Kai, I think they’re going to be the one or two who’s going to be carrying the team.”

Si Sotto rin at si Isaac Go ang bet ni Poy Erram, bukod sa mga batang nagsuot na ng national colors.

“Hindi lang naman sa big man pero sa guards din,” anang bagong frontliner ng TNT. “Like sina CJ (Perez), Thirdy, (Robert) Bolick, si Kiefer.”

“Sa akin, siguro si Isaac Go. Excited ako sa kanya,” dagdag ni Beau Belga. “Kasi nakasama ko siya sa Mighty (Sports), naging roommates kami and nakita ko ‘yung work ethic ng bata.”

Sinuma ni Taulava ang future ng Gilas: “This generation of the pool is a lot bigger.” (Vladi Eduarte)