KAIBIGAN NI CARL ITINATAGO LANG

Buhay pa si Reynaldo de Guzman, ang 14-anyos­ na kaibigan ng napatay ng mga pulis Caloocan na dating University of the Philippines (UP) student Carl Angelo Arnaiz, su­balit itinatago umano ito.

Ayon mismo ito kay Lina Gabriel, ina ni Reynaldo.

Malakas umano ang kutob niyang buhay na buhay ang kanyang anak matapos nila itong hanapin at hindi makita sa halos lahat ng morge at presinto ng pulisya sa Caloocan, Cainta, Antipolo at Taytay sa Rizal.

May tao umanong humahawak sa kanyang anak kahit labag ito sa kalooban ng bata, kung kaya hindi pa ito nagpapakita hanggang ngayon­ sa kanila, simula nang umalis ng bahay kasama ni Carl noong Agosto 17, ayon pa sa inang si Lina.

Hiling ng nangungulilang ina sa sinumang nakakakita o nakakakilala sa kanyang anak na payuhan itong umuwi na. Sabik na umano niya itong makapiling at upang matapos na rin ang kanilang paghihirap sa paghaha­nap. Pero, kailangan umano nitong mag-ingat sa kanyang kaligtasan. Huwag umano itong bigla-bigla na lamang uuwi upang hindi mapahamak at humingi ng tulong sa media upang makatiyak ito ng kaligtasan.

Nalaman umano ng inang si Lina sa mga kaibigan ng kanyang Grade 5 na anak na nakita nila itong umalis kasama si Carl dakong alas-una ng madaling-araw noong Agosto 17 at simula noon ay hindi na ito nakabalik ng bahay.

Magulang ni Carl nasa WPP

Inilagay na rin sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) ang mga magulang ng 19-anyos na si Carl.

Sinabi ni Justice Undersecretary Erickson Balmes, sina Carlito at Eva Arnaiz ay inilagay na ng DOJ sa provisional coverage ng WPP, alinsunod na rin sa kautusan ni Secretary Vitaliano A­guirre II.

Dapat na lamang umanong lumagda ang mag-asawa sa Memorandum of Agreement (MOA) sa DOJ bago tuluyang bigyan ng aktu­wal na proteksyon, seguridad at mga benepisyo sa ilalim ng Republic Act 6981 (Witness Protection, Security and Benefit Act), na kinabi­bilangan ng pana­natili sa isang safe house, buwanang allowance, security protection, hospitalization at mga gamot.

Nabatid na kamakalawa ay nagpunta ang mag-asawa sa tanggapan ni Aguirre, kasama ang kinatawan ng Public Attorney’s Office (PAO) at hiniling na mabigyan sila ng proteksyon ng pamahalaan.

Nilinaw naman ng mag-asawa na wala naman silang natatanggap na banta sa kanilang seguridad.

Una nang napaulat na si Arnaiz ay nawawala sa loob ng 10-araw bago natagpuan ang kanyang bangkay sa isang pune­rarya sa Caloocan City noong Agosto 28.

Ayon sa mga awtoridad, aarestuhin sana nila si Arnaiz nang holdapin ang taxi driver na si Tomas Bagcal sa C3 Road sa Caloocan City, pero nan­laban ito kaya napatay.

Ang alibi ng mga pulis ay hindi pinaniwalaan ng PAO dahil lumitaw anila sa forensic examination sa labi ni Arnaiz na pinahirapan muna ito bago pinatay.