Kaibigan sa isang makitid na pasilyo

Dear Dream Catcher:

Napanaginipan ko po ang isang kaibigan ko. Pero paggising ko hindi ko na maalala kung sino siya. Ang malinaw sa isip ko, nasa parang makipot pero mahabang corridor kami tapos magkaharap kami at hinahatak niya ako sa dalawang kamay ko. Nakatawa ang friend ko na parang nakikipagbiruan sa akin at paatras siya na nagla­lakad papuntang pinto habang hatak-hatak niya ako. Iyon lang po ang naalala ko sa panaginip ko.

Jessica

Dear Jessica:

Ang paglalakad kasama ang isang taong maha­laga sa iyo ay maikokonek sa motibasyon, pagbibigay ng direksyon o paggabay.

Sa iyong panaginip, naglalakad ka sa isang mahabang corridor kasama ang isang kaibigan na masa­yang humahatak sa iyo.

Ang pasilyo ay sumisimbolo sa direksyong iyong tinatahak. Posibleng tumutukoy ito sa isang masalimuot na sitwasyong kailangan mong lagpasan. Ang pinto na tinatahak mo ay sumisimbolo naman sa solusyon na hinahanap mo.

Ang positibong bahagi ng iyong panaginip ay ang masayang mukha o masayang attitude na nakita mo sa isang kaibigan mo na humahatak sa iyo palabas sa makitid na pasilyo. Wala kang naramdamang takot sa kabuuan ng iyong panaginip at ito’y dahil meron kang kasama.

Ang taong umaalalay patungo sa pintuan ng pasilyo ay sumisimbolo rin sa pag-asang nararamdaman mo.

Maikokonek ito sa ibinibigay na motivation sa iyo ng isang taong mahalaga sa buhay mo. Ang taong napanaginip mo na tila nag-e-encourage sa iyong tahakin ang direksyon patungo sa pintuan ay representasyon ng sinumang taong nagbibigay sa iyo ng ganitong damdamin.

Kung ikaw naman ay nasa isang sitwasyon na walang gumagabay sa iyo, maaaring ang iyong panaginip ay isang wishful thinking o isang paghahangad ng puso mo para sa isang taong gagabay sa iyo, isang taong magmamahal sa iyo at aalalay sa gitna ng iyong kalituhan.

Ikaw ang nakakaalam ng iyong tunay na sitwasyon kaya ikaw rin ang makatutukoy ng pinakamalapit na interpretasyon ng iyong panaginip. Pero sa kabuuan, positibo ito dahil ang masa­yang kaibigan ay simbolo ng isang pag-asa at kailangan mo lamang kumapit at magtiwalang anumang sitwasyon ay kayang lagpasan.

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.