Kaye Dacer

Kahit yata sino ang maging presidente ng ating bansa, wala ng pag-asang tumino ang Bureau of Customs (BOC).

Ilang beses nang tinangka at ipinangakong lilinisin ang adwana pero hanggang ngayon patuloy na umiiral ang korapsyon.

Tulad na lamang nitong X-Ray Division at Formal Entry Division (FED) na laging nag-aabang ng Biyernes.

Ang siste lagi raw happy ang mga empleyado ng dalawang dibisyong ito ng BOC kapag Biyernes. ‘TGIF’ nga daw ang kanilang paboritong sabihin.

Thanks God It’s Friday pero hindi naman si God ang kanilang kakampi kundi malamang si Taning dahil ang biyayang natatanggap nila tuwing Friday ay mula sa tara at pang-iipit sa mga container.

Kamakailan lamang ay may isang nabiktima sa BOC kung saan inipit ang kanilang ilalabas na mga container at hinanapan ng kung anu-anong butas kahit nagbabayad naman ng tamang buwis ang kompanyang maglalabas ng containers.

Wala namang nagawa ang kompanya kundi sumuka ng P500K na “for the boys”. At kahit nagsumbong pa sa mga kinauukulan sa BOC, wala namang nagiging aksyon.

Tuloy pa rin ang happy Fridays ng mga taga-X-ray at FED. Malabo talagang magkaroon ng aksyon ang mga nakakataas sa BOC lalo na kung mga bata nila ang umaarya at lalong-lalo pa kung nakakarating sa kanila ang happiness.

Kapag pikit-mata ang mga matataas na opisyales ng BOC sa mga kalokohan ng kanilang mga bataan, iisa lang ang pwede nating isipin: may basbas nga kaya sa itaas ang kurakutan? Kaya nga ba walang umaawat sa TGIF sa adwana kaya tuloy ang ligaya ng mga kapalmuks sa BOC?