Kailangan may masakripisyo para mapagtagumpayan ang laban kontra iligal na droga

Madugo ang serye ng ope­rasyon kontra iligal na droga ng gobyernong Duterte sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP).

Nagiging madugo ang bawat operasyon dahil armado kasi ang marami sa mga sindikato, kaya ang operasyon ng pulisya ay humahantong sa kamatayan ng mga hinihinalang tulak.

Sa katunayan, maihahalintulad na ayon kay Quezon City Police District Director Sr. Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar sa sakit na kanser ang idinudulot na problema ng iligal na droga sa bansa.

Gaya ng kanser na isang malalang karamdaman, ang problema ng droga ay malala na rin kaya naniniwala si Eleazar na higit pa sa operasyon ang kaila­ngang ipatupad para magamot ang kasing lala ng kanser na problema sa droga.

Bilang solusyon ay nagpasya si Supt. Eleazar na magsagawa ng internal cleansing sa kanyang hanay.

Internal cleansing sa paraan ng pagpapalit ng mga pulis na nasa pwesto partikular ang mga nasa ‘frontline’ ng laban kontra droga.

Ayon nga sa napakasipag na si Director Eleazar, transplant na lamang ang maaring maging sagot sa problema sa iligal na droga sa ating bansa.

Masakit man pero kinakailangang sibakin ang mga nabigong tumupad sa tungkulin para palitan ng mas aktibong mga tauhan at opisyal na magseseryoso sa laban kontra droga.

Ang mabigat na desis­yong ito ay nagawa ng opis­yal nang manibak siya ng 88 tauhan ng Anti-Illegal Drug Units ng Quezon City Police Department (QCPD), alinsunod na rin sa rekumendasyon ng mga station commander bukod pa sa naunang 53 mga tauhan mula Anti-Illegal Drugs ng QCPD Station 6 na kanyang sinibak sa puwesto.

Bukod sa pagwalis ng mga bugok sa hanay ay tinitiyak ng opisyal na sa bawat ikinakasang ope­rasyon ng QCPD laban sa mga hinihinalang tulak at miyembro ng sindikato ay nasusunod ang due process.

Sa katunayan ay uma­­bot na sa mahigit 5,000 ang mga sumukong tulak at lulong sa droga, habang 444 naman ang naaresto at nasa 31 naman ang mga napatay sa engkwentro sa pagitan ng mga kapulisan.

Ganyan ang kaila­ngang opisyal ng kapulisan rumeres­peto sa due process at higit sa lahat ay kinikilala ang karapatan ng mga suspek na siyang dapat na pairalin lalo na sa ganito kaiinit na ope­rasyon kontra iligal na droga.

Aba’y napakalaking tulong ni Director Eleazar para maging matagumpay ang serye ng illegal drug ope­ration sa lungsod katuwang ang National Capital Region Police (NCRP) sa pangu­nguna ni Director Chief Supt. Oscar Alba­yalde at siyempre ang pinuno ng PNP na si Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Saludo po kami sa inyo at hangad namin ang tuluyang pagkawalis ng iligal na droga gayundin ng mga nasa likod ng iligal na operasyon ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.